Alvin Pomperada
Sa Wagwagan
Sampayan ang mga braso’t balikat
ng mga nag-uunahang parokyano ng mga segunda-
mano mula sa hinalukay
na tambak. Di maplantsa ang kunot
sa noo ng bata, pagod
sa kakaantay sa inang namimili
ng dekolor na bedsheet. Takaw-tingin
ang malakas na pagdabog ng binata
sa ate—nais sana’y tatak ng kolonyalismo
ang bilhin. Di maitatangging imprenta
ng pagiging praktikal pa rin ang yayakapin
ng kanyang katawan.
Imbes mayamot, natawa siya
sa karatulang nakasabit: “Leader Jacket.”
Napakamot naman ang isang ama,
sa kilikiling butas pala.
Abandona
Binubutas ang lupa ng mga patak ng ambon.
Alam kong ganoon
ang kirot sa puso mo
sa tuwing lumuluha ka. Kumapal na
ang iyong balat, nasanay na sa lamig
ng pag-iisa. Hindi ka makawala
sa tanikalang iginapos ka sa akalang
palasyong ipinangako. Mag-antay ka’t
nanakawin kita sa hindi inaasahang
panahon. Aabangan ko ang pagbuhos ng ulan.
Isasabay ko ang tunog ng mga hakbang
sa tikatik ng mga patak sa yero.
Magdadala ako ng patalim, puputulin ko
ang lahat ng kawad ng ilaw.
Didilim
at ang pag-asa ang magsisilbi kong liwanag.
Matatagpuan kita
sa kalagitnaan ng ‘yong kawalang
kamalayan. Bibitbitin kita’t
iuuwi sa tahanan.
Kung ako’y mahuhuli,
walang kasong puwedeng ipataw.
Pagnanakaw ba ang pagbawi
ng talagang sa akin?
Kikidlat sa kalangitan
at kukulog. Magbabadya
ng paglaya.
Kalendaryo
May taning na ang buhay
simula pa lang sa pagkabit.
Niyakap ang lamig
sa sulok ng dingding.
Kinaibigan na ang hangin upang tangayin
ang mga pahina, makaiwas lamang sa titig
ng mga nagtuturo ng panahon—
itinuring niyang parusa. Nagigimbal
ang iba sa katapusan ng daigdig.
Nasisindak naman siya sa katapusan
ng araw at buwan.