Manawagan

M.J. Cagumbay Tumamac, Issue Editor

Pananawagan ang pagsusulat. O ang paglikha ng sining, sa pangkalatahan, tulad na rin nang matagal at marami nang nalikha sa ating kasaysayan ng pagiging lipunan. Pananawagan laban sa patuloy na pag-iral ng samot-saring pagdarahas, tulad ng diskriminasyon ng mga tao ayon sa kulay, pananampalataya, pinagmulang kultura, kasarian, katayuan sa buhay, at iba pang pag-uuri; pangangamkam ng mga may hawak ng kapangyarihan at kayamanan sa pagmamay-ari at kung anong nararapat sa mga pinag(ka)kaitan at pinagna(na)kawan; pananamantala sa mga yamang kultural at pangkalikasan; at paglabag sa mga karapatang pantao.

Sa mga akdang piniling isama sa isyung ito, malinaw ang lumilitaw na panawagan—isiwalat ang mga danas ng dahas.

Sa “Otoh Swims Back” ni Sigrid Marianne Gayangos, unang-una, tuwirang hinihimok ng isang dambuhalang pawikan ang batang si Otoh na lumangoy pabalik sa lupa at sa kaniyang pamilya—“You better start swimming, boy.” Na huwag hayaang malunod kasama ng pagkawasak ng kaniyang bayan dahil sa digmaan. Ipinapaalala ng akda na lagi’t laging nakaugat ang pananawagan sa ating kaakuhan, sa alaala, sa iniinugang kalikasan, at kinalakhang kalinangan.

Inilalantad naman sa “Minanikang Makina at iba pang Tula” ni Tilde Acuña (may salin sa Ingles ni Kristine Ong Muslim) sa mapang-uyam at malatuwirang pamamaraan ang mga pananamantala sa sarili at sa bayan. Muli rin nitong ipinamamalay sa ating may kakayahan tayong magpabago ng lipunan at na maaaring basagin ang nakamihasnang pananalig sa pagsasaba(t)hala.

“Walang maasahang mesia, bathallah o manunubos
Pagkat ang kaligtasan nati’y wala sa dios, lahi, angkan…”

Samantala, pinagninilayan sa “Marciano,” isang sipi ng binubuong nobela ni Boon Lauw tungkol sa maaaring nangyari sa isang hakang bayang diktadura ang namamayani, ang panawagan sa patuloy na armadong pakikibaka. Lumilitaw, halimbawa, ang agam-agam ng pagiging tuwirang tagaambag at ng pagiging kasangkapan lamang sa paglalarawan ng nagsasalaysay na tauhan sa kanilang kilusan—“May katumbas na tunog ang bawat kalabit ng mga daliri sa kuwerdas ng gitara—nakalilikha ka ng musika. Sa digmaan naman, may kani-kaniyang katangian at silbi sa kilusan ang bawat sundalong katulad ko. Sa digmaan, kami ang mga kuwerdas na pinili ng musikero para sa kantang kaniyang binubuo.”

Sinisiyasat naman ng iba pang akda ang pag-iral ng mga dahas sa pang-araw-araw, lalo na at malalim na ang pagkakaugat ng mga ito sa ating mga karaniwang danas. Inilalarawan, halimbawa, ang nakagigimbal na mga imahen ng dahas sa katawan at kamalayan sa “Muthala” ni Marlon Hacla (may salin sa Ingles ni Muslim), tulad ng “[p]arada ng mga binting tahi-tahi papunta sa gubat ng paanyaya” at “[t]akot na kumapit sa laylayan ng damit na natilamsikan ng dugo at putik.” O ipinapakita ang isang aspekto ng pananatili ng hawak ng mananakop sa pamimili ng ukay-ukay sa koleksiyong “Galugad” ni Alvin Pomperada—“…Takaw-tingin/ ang malakas na pagdabog ng binata/ sa ate—nais sana’y tatak ng kolonyalismo/ ang bilhin.” O ipinamamalay ang mga bagabag ng mga pantasya, pangangailangan, pagkilala, at pagkakaila ng sariling katawan sa “The Proxy Error and Other Poems” ni Lakan Daza Umali, o maging ng pagdukot ng kulangot at pag-aalaga ng mga hayop sa “Kugmo ug Duha pa ka Balak” ni Marianne Hazelle J. Bullos (may salin sa Filipino ni Bullos at Paul Randy P. Gumanao), at ng walang-katiyakan sa sariling kaakuhan at kinalalagyan ng mga nilalang sa “Pasig” ni Saquina Karla C. Guiam.

Isang mahalagang layunin ng mga akdang ito, katambal ng pagsasalaysay ng mga danas ng dahas, ang mang-usig at mapaisip ang indibidwal, tulad na lamang kung paanong pinaglilimian ng nagsasalaysay sa “Dziękuję, Polska” ni China Pearl Patria M. De Vera ang pagdeklara ng Martial Law, kakulangan ng kalidad at makataong edukasyon, at iba pang mga usapin sa kaniyang iniwang bayan. Naging malay siyang hindi nagtatapos sa isipan ang lahat—“Dito ko nalaman ang saysay nang pagtatanong sa sarili. Tanong na esensiyal sa ngayon, habang nasa pagitan ako, nasa transit… Sinusubukan ko pang buuin ang sagot sa tanong, may limang buwan pa… Malay naman akong kailangang sumabak pag-uwi.”

Muli namang kinikilala sa koleksiyong “Samantalang Kaharap ang Mundo” ni Nanoy Rafael ang kasalimuotan ng kinalakhan at/o tinitirhang lungsod at naghahain ng mga sipat ng pag-usisa ng pagkakakilanlan nito bilang lunan sa pagkalinga at paghamak. Ng pangangailangan na muling tingnan sa panibagong paraan ang matagal ng naririyan, lungsod man, lipunan, sarili, at maging ang mismong mga sandali ng pagtanaw sa mga ito. Humahantong ang mga sipat na ito sa malinaw na mga panawagan, tulad ng:

“Kaibigan kong malapit/
baklasin natin kahit sandali ang mga hanggahan.”

Ani rito at sa iba pang akda ng isyung ito, napakahalagang manawagan at madalas—o kailangang—magtapos ang pananawagan sa pagkilos. Ng pakikiisa sa matagal at malawakang pakikibaka. Sa samot-saring paraan. Na(sa)saksihan natin, halimbawa, ang pangangalampag sa mga lansangan, ang pagtutol sa social media, at paglalantad ng mga salaysay ng dahas. Nananawagan. Lalo na sa panahon ngayong laganap ang paggamit ng panitikan at iba pang sining upang burahin ang mga danas, ikubli ang katotohanan, linlangin ang taumbayan, at busalan ang ating mga tinig.

Hangga’t mayroong mga danas ng dahas, kailangan nating patuloy na manawagan. Kailangang patuloy na lumaban!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s