Marciano

Boon Lauw

Sipi ito ng isang kabanata ng binubuong nobelang pinamagatang “Malaya.” Tungkol ang nobela sa paglago ng kamalayan ng tatlong kabataan sa alternatibong panahong hindi natapos ang diktadura dahil nakipagkasundo ang diktador sa hari ng Espanya at naging kolonya ulit ang Pilipinas.

May nakapagsabi sa aking hindi nalalayo ang digmaan sa musika ng isang gitara.

May katumbas na tunog ang bawat kalabit ng mga daliri sa kuwerdas ng gitara—nakalilikha ka ng musika. Sa digmaan naman, may kani-kaniyang katangian at silbi sa kilusan ang bawat sundalong katulad ko. Sa digmaan, kami ang mga kuwerdas na pinili ng musikero para sa kantang kaniyang binubuo.

Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Sumenyas ako sa mga kasamang magpatuloy sa paggapang.

Tahimik ang madilim na gubat maliban sa tunog ng mga insekto. Dinig ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Kaunti na lang at kakawala na ito sa aking dibdib. Napalunok tuloy ako. Nangati akong silipin ang checkpoint, pero pinigilan ko ang aking sarili. Ayon kasi sa plano ay hindi maaaring lumitaw ang aming mga ulo sa ibabaw ng mga palumpon. Kailangang sumunod sa plano, paalala ko sa aking sarili. Kailangan.

Labindalawa.

Labintatlo.

Sumenyas ulit ako—ngayon naman ay para patigilin ang aking hukbo. Narating namin sa wakas ang destinasyong itinakda sa plano. Nagsimula akong magbilang gamit ang aking mga labi, ipinagpatuloy ang mga segundong idinikta ko na sa aking isip.

Saktong-sakto ang plano ng mga kumander para sa misyong ito—may pakiramdam tuloy akong isa ang aking guro sa mga kumander na tumingin sa plano. Tiyak hanggang sa bawat galaw ng kamay sa orasan; kulang na lamang ay hanggang sa bawat paghinga namin. Dahil dito ay buo at wala pang nasasawi sa aming hukbo.

Ganito ang aking mga paboritong misyon.

Pagkarating sa dulo ng kagubatan, sa likod ng checkpoint, hintaying lumagpas sa tarangkahan ang tagamanman. Magbilang ng tatlo, pagkatapos, dalhin ang grupo sa susunod na cover sa loob ng sampung segundo. Magpatuloy sa pagbibilang hanggang dalawampu—saka humanda sa malakas na pagsabog.

Dalawampu—

Sunod-sunod na mga pagsabog ang bumulabog sa checkpoint ng militar.

Nagising bigla ang noo’y katutulog pa lamang na kampo. Nalunod naman sa kaguluhan at apoy ang sigawan ng mga sundalong nakasisigaw pa. Walang-tigil pa din ang mga pagsabog. Kaya pala ‘Sinturon ni Hudas’ ang ipinangalan ng kambal sa pinakabago nilang imbensiyong ito.

Sumenyas ako sa mga kasamang lumabas na mula sa aming pinagtataguan. Lulusubin namin ang mga natitirang buhay. Lumayo kami mula sa proteksiyon ng mga puno. Niluksuhan namin ang mga palumpon at matapang naming pinasok ang checkpoint. Walang nakaligtas na bantay malapit sa tarangkahan. Halos wala ring natira sa mga gusaling malapit sa tarangkahan.

Pinaulanan naman namin ng bala ang sinumang makitang gumagalaw pa.

Katulad ng sabi sa plano, naghati sa dalawang grupo ang maliit naming hukbo. Nagsama kami ng aking bise-kapitang si Atoy, habang sasalakayin naman ng tatlo pa naming kasama ang bodega sa—

“BOSS!” sigaw ni Atoy.

Lumusong ako sa tabi. Ilang saglit pa, dinutdot na ng mga bala ang kahoy at kongkreketo sa paligid ko. Tumango ako ng pasasalamat sa aking bise-kapitan.

“Boss! Espanyol!” balita naman niya, matapos silipin ang nagpapaputok sa amin.

Tang-ina. May nakaligtas na guwardiya sibil.

Apat kasi ang layunin ng aming yunit para sa misyong ito. Una, subukan ang mga bagong pasabog na ginawa ng kambal. Pangalawa, nakawin ang mga kagamitan, bala, at armas sa bodega ng militar. Pangatlo, ubusin ang mga guwardiya sibil na napabalitang nakaestasyon sa checkpoint na ’to ngayong gabi. At pang-apat, palayain ang mga bihag nilang kababaihan.

Bahagi ng espesyal na hukbo ng diktadura ang mga guwardiya sibil. Binubuo ito ng mga pinakamalulupit na sundalong tapat sa diktador at ng mga opiser na Espanyol. Sa mata ng publiko, tungkulin nilang tugisin ang mga idineklarang rebelde ng pamahalaan—katulad ng grupo naming MBK. Tungkulin nilang supilin kuno ang ‘dilim’ na bumabalot sa bansa. Pero ang totoo ay sila ang dilim. Ang mga guwardiya sibil ang tunay na nambababoy at nagpapahirap sa bansa ngayon. Mga gawaing hindi mo mababalitaan sa mga diyaryo, radyo, at telebisyon. Mga karumal-dumal na krimen na mas masahol pa kaysa sa mga pinaggagawa ng mga tauhan ng diktador noon. Mga bagay na malalaman mo lamang kapag ikaw na ang biktima nila.

Sumiklab ulit ang laban.

Nakipagsagutan ng putok si Atoy sa guwardiya sibil. Natigil naman ang mga pagsabog sa checkpoint, sa wakas. At kaunti na lamang ang maririnig na pagsigaw ng mga sundalo—na tinapos din naman agad ng ilang pagpapaputok mula sa aming mga kasama.

Tumahimik ang checkpoint.

Tanging ang katunggali na lamang namin ni Atoy ang natitira. Paano kaya nakaligtas ang gagong ’to? Karamihan kasi sa mga pasabog na inilatag namin kanina ay nakalaan sa mga barracks.

“Atoy!” tawag ko. Sumenyas akong iikutan ko sa gilid ang kalaban.

Tumango ang aking bise-kapitan saka nagpakawala ng sunud-sunod na pagpapaputok sa pinagtataguan ng guwardiya sibil. Tumakbo naman ako papunta sa lilipatan kong puwesto. Pagkatapos—

Tinamaan ako ng bala sa likod ng hita.

“Putang-ina,” nanggagalaiti kong mura saka nagtago sa likod ng isang maiksing pader na katabi ng poso. Pinakiramdaman ko agad ang aking tama. Wala masyadong dugo—daplis lang. Buti na lang.

“Tang-ina mo, Atoy!” sigaw ko sa gitna ng ingay. “Ayusin mo naman ang trabaho mo!”

Tinawanan lamang ako ng aking bise-kapitan. “Boss naman! Espanyol baya ang kalaban!”

Napamura ulit ako saka inalala ang napag-aralang mapa ng checkpoint, habang nakikipagbarilan pa rin si Atoy sa Espanyol. Maganda ang nakuhang posisyon ng aming katunggali—na malamang ay alam niya rin kaya niya pinili ang lugar. Batikan kasi lahat ng mga banyagang miyembro ng guwardiya sibil—mga damuhong opiser na hindi na tanggap sa kanilang sariling bansa. Kaya dito na lamang sila naghahasik ng lagim sa Pilipinas.

Malas! Napahampas ako sa sinasandalang pader.

Kasalanan ng diktador ang lahat ng ito. Tagumpay na dapat ang rebolusyon. Matagal na dapat natapos ang madugong digmaang ito. Kaso, nakahingi pa ng tulong ang putang-ina mula sa Espanya. Ibinenta ng walang-hiya ang bansa para sa kasakiman niya sa kapangyarihan—Hindi. Hindi lang pala ang diktador. Ang asawa rin niya—siya talaga ang may pakana. Ang puta ang nagbugaw ng sarili niyang mga anak sa mga maharlika ng iba’t ibang bansa. Kaya nandito ’tong hayop na Espanyol na ito ngayon.

“Boss!” tawag ni Atoy. “Paubos na ang bala k—”

Pinaulanan ng guwardiya sibil ang pinagtataguan ni Atoy. Napayuko tuloy ang aking bise-kapitan. “Oo na lagi! Oo na! Oo na! Ikaw na ang madaming bala! Yawa ka!”

Inihagis ko kay Atoy ang reserba kong bala. Bahala muna siyang makipagharutan sa kaaway habang nag-iisip ako ng paraan. Hindi kami puwedeng tumagal pa dito. Baka dumating na ang mga resbak na militar. Mapipilitan kaming umatras. At hindi makukumpleto ang misyon.

Malas talaga. Ilang ulit nang naipagpaliban ang pag-atake naming ito. Napakalaking kahihiyan kung sakali kapag nabigo pa kami. Tiyak ay sesermonan ako ng mga kumander sa kampo. At higit sa lahat ay madidismaya ang aking guro. Mahalagang mapatay namin lahat ng Espanyol sa misyong ito—para magsiuwian na sila sa kanilang pinanggalingan.

Huminga ako nang malalim at pinakalma ang aking sarili—turo sa akin ng aking guro.

Malayo pa mula sa aking kasalukuyang puwesto ang susunod na taguan. Malakas ang aking kutob na hindi ako aabot do’n pag tinuloy ko ang pagtakbo.

Tang-ina.

Nag-isip pa ako. Kailangan ko lamang maagaw sandali ang atensiyon ng guwardiya sibil. Sapat na dapat ’yon para kay Atoy. Pero paano?

Tang-ina. Dapat kasi ay pumirmi na lang sa barracks ’tong gago na ’to para—

Kinuha ng isang pabilog na bato ang aking atensiyon. Medyo maitim ito at katamtaman ang laki. Muntik akong matawa sa aking naisip na idea.

“Atoy!” tawag ko. Lumingon ang aking bise-kapitan. Sumenyas ako sa kaniyang susugurin ko ang guwardiya sibil. Wala nang nagawa ang pag-angal niya.

Pinulot ko ang bato sa aking harapan saka inihanda ang sarili—pagkatapos, itinapon ang bato sa pinagtataguan ng kalaban.

Natigil agad ang pagpapaputok ng Espanyol. Narinig kong lumusong ito kung saan at nagtago. Lumabas naman ako sa likod ng pader. Tumakbo ako papunta sa puwesto ng guwardiya sibil—pero napagtanto agad ng kalaban na bato lamang ang itinapon ko, hindi granada. Lumitaw ulit siya mula sa kaniyang pinagtataguan at nakita ako.

Pinaputukan agad ako ng guwardiya sibil. Tumalon naman ako at lumusong sa mga patong-patong na kagamitan sa gilid.

Sa puntong ’yon, nakarinig ako ng mga putok na sumabay sa pamamaril ng guwardiya sibil. Bumagsak ako sa mabatong lupa.

Natahimik sandali ang paligid.

Pagkatapos, sumiklab ang iyakan mula sa loob ng gusaling pinagtataguan ng guwardiya sibil. Tumakbo naman papunta sa akin si Atoy. Ipinakita ko kaagad sa kaniya na wala siyang dapat ikabahala. Masuwerte akong hindi tinamaan sa pamamaril ng guwardiya sibil—dala siguro ng kaniyang pagkataranta.

Sinagot ko ng ngisi ang malaking ngiti ni Atoy.

“Gago,” sabi ko sa kaniya. “Masyadong malaki ’yang ngiti mo. Muntik na tayo do’n!”

Tinawanan lang ako ni Atoy saka hinatak patayo. Pagkatapos, pinasok na namin ang gusaling pinagkulungan ng mga bihag na kababaihan. Dinaanan namin ang walang buhay na katawan ng banyaga. Tadtad ng bala ang kaniyang dibdib.

Tagumpay ang misyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s