Nanoy Rafael
Ang Bahay sa Tapat ng Tunay na Pag-ibig
Pansamantala
ang alaala, kasabay ng panahon.
Pangalan, hindi
anyo o kawalan
ng anyo.
Binigkas at narinig
at lumipas
ang mundo.
Habang nagaganap
ang araw-araw,
nauulit ang tunog;
ngunit hindi
ang tunog kundi
alaala ng tunog.
Tahimik at luminoso.
Pansamantala.
Kumakatok at
umaalingawngaw.
Nananahan dito ang awit
na di kailanman maaawit.
Ikinalulugod
Bakas ng buwan sa labi
ng posibilidad, lumalapat
at tumutuloy sa pag-asa
ng mabuting kagandahan
Nilalandas ang ngayon
ay imbisibleng mga lansangan,
sistematikong binura
ngunit nanatili, palagi
sa mga paa, palagi
O, musmos na panaginip
O, pangarap ng musmos
ipaubaya ninyo ang aming hakbang
at iligaw ninyo kami
sa lahat
Residente ng Katawan ang Titig ng Umiibig
Walang nakakikita ng lungsod
o nakadarama ng mga kalsada nito
nakaririnig ditong bumubukas tuwing gabi.
Salat ang pandama
at munti tayong umiiral
sa dambuhala nitong pagiging.
Napalilibutan tayo
ng maginhawang eksternalidad
katulad ng mga salitang
nasa labas na natin.
Kagabi, naroon ako
basbas ng dekoryenteng ilaw.
Kulay dilaw at alaala. Nandito ka
at wala. Pansinin ang huni—monotonong
kagandahang mula sa hardin
ng mga kawad, mula sa akin.
Kabutihan
Nakalatag ang mundo
para sa kanila.
Tikatik papuntang ulan
na malambing
na nagtutulak
sa balat
upang dumamping katulad
ng ulan sa kapuwa
balat.
Tinig na susundan
ng isa pang tinig.
Nag-iisa sila.
Nakalatag ang mundo.
Pawid at papawirin.
Ligaw-ligaw na asul
ang abot-tanaw
na niyayakap silang
walang paumanhin.
Kailangan lamang nila itong angkinin
ngunit hindi para sa kanila
ang mundo.
Pawid at papawirin nila
itong ipauubaya
sa mapagkalingang palad
ng panahon.
Sa Abot ng Makakaya
Sa guho ng modernong pagnanasa
nalalantad ang langit
namumuhay tayong nomadiko
sa kontemporaneo nitong anino
Nakaabang ang mga salaysay
Umiimbulog ang mga talata
Pumapailanlang ang pag-uulit
Muli at muli ang mga huni
Naroon ka, madadapuang puno
ng tapat na gunita
Mahinahon at mahiwaga, umiiral ka
kung paanong umiiral ang dilaw
Nalalantad ang langit
at sa sandali nating
malingat sa moderno
hindi ito higit pa kundi
kalawakan, espasyo, bughaw
Ligaya
Umaawit tayo sa mundo
at umaawit
sa nakaraang buhay
dito tayo
nagkasundong magkatagpo
Oktubre at ilang rebolusyon
Nasaan ka kung kailan ako
Kailan ako noong nasaan ka
Mabilis na lumilipas ang kalsada
nagsasatao ang hiling at nasa
ang pagsuko ng lahat
para sa kaunti ng daigdig
Nandito, ngayon
Ngayon, nandito
Umaawit tayo sa mundo
at umaawit ito
Tahanan ang Damdaming Pinapangarap Nating Uwian
Okupahin natin ang bukas
na mananatili kung saan
ang pagkalunan nitong sarili
ang di-mabigkas na payapa, maririnig
ang salaysay sa kasaysayan ng mga kamay
na maghahatid sa atin dito
sa maaliwalas.
Kaibigan kong malapit
baklasin natin kahit sandali ang mga hanggahan.
Kathain natin ang espasyo
liwanag at gaan
reta-retasong pagkabuo
kung saan mahalaga ang atin at tayo
ang lahat ng mahalaga sa atin.
Estranghero ang malasakit
pinatutuloy at iniimbita sa hapag
magkukuwento siya’t makikilala
hindi na bilang dayuhan.
Narito hindi ang gutom kundi sapat
na panahon, mabuti
at ang labis ay maaari
nating tawaging biyaya
kung gugustuhin natin
tinatanggap.
Naglalanggas tayo ng lungsod-
lungsod na mga sugat
naghuhunos tayo hanggang maging
ang puso ay naaaninag.
Bumabalik tayong malayo sa atin.
Kaibigan kong malapit,
piliin na natin ang umuwi.
Maaliwalas
Maladagat
aaaaaahinihila mo
Ang umaga
ang bumabangon kong ligaya
Tumatahan ang liwanag
pasalimbayaaaaaaaaaaaaakong namamangha
Sa mahihina kong kamay
na nahahawakan ang bituin
Tumutulay ako sa karupokan mo
Payapa paroo’t paritong payapa
Samantalang kaharap ang mundo