Dziękuję, Polska

China Pearl Patria M. De Vera

Hulyo-Agosto 2017

Noong 2013, sabi ni Nanay, mag-aalaga na raw kami ng bibe para mataboy ang magnanakaw. Maingay ang bibe lalo na kapag naghahanap ng pagkain. Naalala ko ang nag-iisang bibe sa Orlica Lake habang bumubuhos ang snow. Bago matapos ang araw, naalala ko naman ang sabi ni Didion, we tell ourselves stories in order to live. Ganito ko naitatawid ang mga araw, pagbibigay ng saysay sa wala, pilit na paggalugad. Sa kakagalugad, piniling sandaling manatili sa mga pagitan, tulad ng pananatali sa Orlica.

Ibinigay ko ang pangalan sa listahan ng mga gustong manatili sa isa sa pinakamalayong lokasyon para makapagturo sa mga bata. Nakapuwesto ang Orlica sa pagitan ng Poland at Czech Republic. Ilang hakbang at isang tawid sa relatibong mababaw na ilog, makakatawid ka na sa teritoryo ng Czech. Hindi gaya sa amin na ilusong mo lang ang paang nakasuot ng tsinelas, kakayanin mong tumawid sa ilog. Saglit na nilublob ang kamay, parang kinakain ng tubig sa ilog ang buong kamay ko, halos dalawang minuto bago ko maramdamang may mga kamay pa ako. Sa ganito nagsimula ang pagtuklas sa pagitan ng mga paglalakbay.

Transit
Ilang beses din halos maipit ang kamay ko sa automatic na nagsasarang pinto, sa padlock ng banyo sa airport, makuryente sa plate dishwasher hanggang sa halos malapnos ang kamay sa mainit na tubig galing sa gripo. Bago mapasabak ang mga kamay, ilang dapa at subsob rin ang naranasan ko bago makarating sa Bystryzca Kłodzka, Poland. Ilang beses kong tiniyak kung tama ba ang spelling ng lugar, mahirap na magkamali sa pagtatanong at pagbili ng train ticket. Habang kinakaladkad ang mga bagahe, di mabilang kung ilang beses akong nadapa at nasubsob. Ang pinakamalalang sugat na nakuha ko no’ng hinabol ang blue bus papuntang Praha Central Train Station.

Nakita ako ni Vladimeir na nag-aabang sa blue bus, bus na dadaan sa Praha Central Station. Napansin niyang hindi ako magkandaugaga sa pagtulak sa metal na lagayan ng mga bag. Lalo pang naging mahirap nang nahulog ito sa gutter sa pagtatangka kong habulin ang blue bus. Nasugatan. Nilapitan niya ko. Hindi raw magsasakay ang bus, puno na raw. Itinuro niya ang kabilang bahagi ng airport, do’n daw makakasakay. Sinabayan niya kong maglakad at nagtangkang tulungan sa pagtulak ng mga bagahe. Tinanggihan ko. Hindi siya nagtanong sa kahit na anong personal maliban na lang sa pagkumpirma kung sa Praha Central train station ang punta ko. Pagkatapos, in-interview ko na siya.

Nalaman kong 27 years old na siya at galing sa isang maliit na bayan sa Czech Republic, buntis ang girlfriend niya at magkaka-baby girl na sila. Nagtatrabaho siyang IT salesman at nagta-travel sa Europa. Hindi niya ko iniwan hanggat hindi ako nakakabili ng train ticket at hanggang sa maintindihan ko ang mga nakasulat sa malaking screen sa train station, ang platform, oras, at train number. Inabutan niya ako ng tubig. Tiniyak kong nakasarado ang bote at hinintay kong makaalis siya bago ako uminom.

Habang naghihintay kami sa train station, may isang matandang lalaking Ingles na nakipagkuwentuhan, narinig niya sigurong nag-i-Ingles kami ni Vladimeir. Dati siyang tour guide at polyglot. Bumisita siya sa Prague para puntahan ang kanyang mga apo. Kinumpirma niya kung gaano kaganda sa Prague. Sinabi kong dadaan lang ako sa Prague at sa susunod pa makakabalik. Hindi ko tiyak kung paano kami umabot sa naikuwento ko na sa kanya kung bakit ako papuntang Poland. Magbo-volunteer ako sa isang non-governmental organization para turuan at makipamuhay sa mga batang Polish, ibahagi sa kanila ang kultura at matulungan silang makapagsalita ng Ingles habang kami namang mga volunteer mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay aaralin ang Po Polsku.

Naiwan akong naghihintay at nakatanghod sa malaking screen na nagsasabi saang train platform ako pupunta. Nang makumpirma ko na tama ang pinuntahan kong platform, may nakapansin na imposible na para sa akin na mabibit ang maletang kasinlaki ko dahil nakadalawang subsob na paakyat ng tren, tinulungan ako ng isang binatang iakyat ang mga bagahe.

Sa susunod na pagbaba, tinulungan ako ng binatang may bitbit na naka-fold na scooter. Inalalayan niya akong ibaba ang maleta sa tren. Kung hindi niya ako tinulungan, bubuslot ang isa kong paa sa pagitan ng tren at platform. Nakumpirma namin ang train platform ko at hinatid niya na ko. Sadyang mahirap dalhin ang mga bagahe maliban sa dalawa sila at ang isa ay halos kasinlaki ko. Kasama pa rito ang backpack, sling bag, at neck pillow. Hindi rin nakakatulong ang cobble stones na daan para sa dalawang de gulong na maleta. Mabuti na lang talaga ay binitbit niya ang dambuhala kong maleta.

Ang sunod kong nakatabi sa tren, hindi ngumingiti. Matandang babaeng malalim ang mga mata at maraming linya sa noo. Magkaharap kami at sa pagitan namin ay maliit na lamesang natutupi. Ilang beses kong nahuling nakatitig siya sa akin. Lalo na no’ng kinukuhanan ko ng litrato ang mga nakikita ko. Iniisip ko kung nasa tama ba akong tren dahil hindi ko maintindihan ang nakalagay sa screen sa loob ng tren (Czech) Lichkov lang ang nakasulat. Hindi ko na natiis at nagtanong na ako sa matandang babae. Hindi niya ako maintindihan at nagsimulang magsalita sa wikang Czech. Sinubukan kong ipakita ang train ticket. Broken English na ang ginagamit ko. Correct train sabay muwestra, nginitian niya na ako at nagsalita muli sa wikang Czech at may itinuturo.

Dumaan ang konduktor ng tren at hindi rin siya makapag-Ingles. Pinakita ko ang train ticket at katulad ang muwestra sa matandang babae. Tungo lang ang tugon niya sa akin.

Tumayo ang matandang babae at kinuha ang nakasabit na jacket sa itaas ng kanyang upuan sa tren at bago siya umalis, ngumiti siya ulit sa akin. Nilapitan na ako ng konduktor at mukhang iyon na ang hudyat na kailangan kong bumaba. Nakumpirma ko na kailangan ko na talagang bumaba dahil hindi na aandar ang tren, huling estastyon na. Tumulong siya sa pagbaba ng mga maleta ko.

Nagtanong sa panibagong konduktor para kumpirmahin kung tama ba ang hinalang sa tren na kaharap ako sasakay. Tulad ng mga nauna, tumungo lang sila at hindi ko naintidihan ang salita nila. Hindi na tunog Czech ang salita, palagay ko Polish na ang salita niya. Dahil umalis na ang konduktor, inakyat ko mag-isa ang mga bagahe at sinimulang kausapin sila, ako lang ang pasahero ng tren. Nagbabago na ang nakikita ko sa bintana— sarili ko na. Madilim na sa labas. No’ng lagpas limang minuto kaming huminto sa isang estasyon, napadalas ang pagkausap sa mga bagahe at binigyan ko sila ng pangalan. Huli ko ’tong ginawa no’ng unang araw ko sa grade school, pinangalanan ko kahit pencil case at sinubukan silang kausapin.

Walang tao sa mga estasyon, nakita ko ang ilang eksena sa mga pelikulang pinapanood sa bawat train station. Bago ko pa simulang takutin ang sarili, lumapit na ang konduktor at hindi na ko nagtangkang magtanong. Inabot ang ticket. Pag-alis niya, hinanap ko sa likod na bahagi ng tren ang mapa ng mga estasyon—tatlong estasyon na lang. Bago lumapit ang konduktor, handa na ’kong bumaba. Inalalayan niya akong ibaba sa mabatong daan ang aking mga bagahe, kumaway ang sundo kong si Zanis na volunteer mula sa Latvia.

Sa tatlong oras na biyahe sa tren, mula Prague hanggang Poland, ilang beses akong napatitig sa mga punong walang dahon, naalala ko ang MRT at LRT. Sa isip ko, kasimbagal ng aming tren ang aming pag-unlad.

Bagong salta
Nito ko na lang naintindihan ang sinabi no’ng nakasabay na Pilipina sa connecting flight. Sabi niya, minsan lang ang pagkakataon na makapuntang Europa. ’Wag mo masyadong isipin ang buhay sa atin, siguradong makakabalik ka naman. Ito rin ang sagot sa akin ng propesor no’ng sinabi ko sa kanyang nababahala ako para sa thesis ko at gusto kong kumonsulta sa kanya habang nasa Europa siya. Dagdag sa pagkabagabag ang balitang Martial Law sa Mindanao at ang posibilidad na ideklara sa buong Pilipinas. Sinubukan kong alamin kung makakauwi ba ’ko kung sakaling mangyari ang posibilidad. Hindi natuloy ang pag-uwi pero habang sinusulat ko ’to, Martial Law pa rin sa Mindanao at magtatagal hanggang December 2017.

Sa mga unang araw, sinubukan kong magtanim sa garden. Inalis ang mga damo at bato, hinanda ang patse ng lupa para sa tatlong pakete ng mga buto. Apat na beses din akong nagdilig bago dumating ang snow. Karaniwan lang daw na biglang bumibisita sandali ang snow kapag tagsibol. Imposible na raw mabuhay ang mga tanim ko sabi ng Vietnamese na roommate. Sabay na nawala ang interes ko sa pagtatanim at pagkain ng patatas. Sa mga unang linggo, natuwa ako na may patatas lagi sa bawat meal namin. Naisip ko unlimited Potato Corner dito, oks na rin. Pero hindi pang-Potato Corner with sour cream dip ang pagkakahanda ng mga patatas dito. Kadalasan ay hindi crispy kundi boiled, pang-mashed potato na walang gravy. Sa sumunod na linggo, nag-settle na ang umay at napansing hinahanap ko na ang kanin. Ganoon din pala ang sentimyento ng iba pang Asyanong kasama kaya minsang hindi ko napigilan ang sarili at sumigaw akong rice is life. Nagtawanan sila. Bumili akong bigas at tinuruan ko ang sariling magsaing nang maayos. Sigurado akong pag-uwi ko, mga ilang buwan muna bago ako dumaan ulit sa Potato Corner.

Lagi akong tinatanong ng mga batang nakakasalamuha kung ano raw ba ang paboritong pagkain ko sa Poland. Pierogi ang isa sa mga sikat sa kanila, dumpling type na kadalasan may patatas at keso sa loob, minsan naman strawberry o meat ang nasa loob. Nahirapan akong magustuhan ’to kaya kapag tinatanong nila ko, Pomidorowa ang sagot ko. Tomato soup ang Pomidorowa, meron ding sikat na kanta ang Pomidorowa na lagi kong kinakanta sa kanila. Napapangiti ko na ang mga batang hindi gaano ngumingiti. Napansin kong mahirap din naman talagang ngumiti sa lugar na malamig, hindi mo makakasanayan ang pagngiti. Gano’n pa man, naipaliwanag sa akin ng ilang mga gurong kaibigan dito, ang ilang mga posibilidad kung bakit hindi automatic ang pagngiti dahil na rin daw siguro sa naging karanasan ng mga nakaraang henerasyon at sa ilang mga village na napupuntahan, maaaring hindi karaniwan ang pagbisita ng mga foreigner na gaya namin. Hindi naman mahirap pangitiin ang mga batang nakakasalamuha kagaya rin ng ibang mga bata na nakasalamuha ko, kailangan nilang maging komportable muna sa ’yo bago ang lahat. Mas napadali ang pag-aaral ko ng Polish dahil sa kanila, hindi sila nahihiyang itama ang pagsasalita ko at hindi napapagod sagutin ang mga tanong.

Hindi naman kinailangang maging komporatble ang mga naging kaibigan guro, automatic para sa ilan na maging malapit at maging halos magkumare na kami lalo na kapag nalalaman nilang naging podstawowa teacher o primary school teacher din ako sa Pilipinas. Lagi akong niyayayang magbakasyon sa kanila, magpahinga. Dahil parehong guro, hindi maiwasang pag-usapan ang kalagayan ng edukasyon sa magkaibang bansa. Nagugulat na sila sa bilang pa lang ng estudyante sa klase. Karaniwang naglalaro sa 15 hanggang 25 ang mga estudyante sa isang klase sa public grade school sa Poland habang naglalaro sa 30 hanggang 40 naman ang estudyante sa pribadong grade school sa Pilipinas. No’ng tinanong nila ang bilang kapag public, napapanganga sila. Paano raw nagtuturo ang public school teacher sa 50 hanggang 80 na estudyante. May natutunan pa raw ba ang mga estudyante sa ganoong lagay. Napapatawa na lang ako at sinasabi ang keyword na classroom management. Ipinaliwanag ko paano ang konsepto ko ng classroom management, paano halos kumain ng apoy, tumawid sa alambre at magsaboy ng confetti habang nakangiti at hanggat maaari ay hindi sumisigaw. Paano raw natututo ang mga bata sa public school kung kahit libro ay pinaghahatian pa. Mas matagal na kuwentuhan ang inaabot namin kapag nababanggit ko saan nagkaklase ang ilang estudyante sa public school. Paano raw sila nakakafocus kung hindi sila sa classroom nagkaklase. Nagtataka rin sila bakit may mga bata sa aking bansa ang mas mahusay sa Ingles kaysa Filipino. Ibang tipo raw ang naging problema ko sa pagtuturo. Nailinaw ko sa kanila na kabilang sa partikular na uri ng mga tao ang mga batang naturuan ko noon—sila iyong mga anak ng mga negosyante, panginoong maylupa at nakakaangat na panggitnang uri. Hinabol ko sa paliwanag na kung magtutuloy-tuloy ang oryentasyon ng edukasyon, mamamatay ang wika ng aking bayan at posibleng mangyari ’yon sa kanila.

Hindi maiiwasang pagkuwentuhan ang compensation at kung ilang oras kami nagtatrabaho. Minsan sa pagitan ng kuwentuhan, napapatawa na lang ako. Umaabot sa ganito na lang ang reaksiyon ko sa mga tanong at tugon ng mga kausap. Halos pareho lang ang teaching load pero dahil mas kaunti ang estudyante nila, mas hindi kinakain ang kanilang araw ng pagwawasto ng mga papel—higit ang kanilang libreng oras.

Sa mga tingi-tinging libreng oras nakakapunta akong Biedronka. Dito mabibili ang mga pangunahing pangangailangan. Kadalasan makikita ang ladybug logo sa bawat village, ibig sabihin may Biedronka sa lugar. May ilang partikular na tindahan para sa mga partikular na pangangailangan; kung naghahanap ng toiletries, Rossman ang hahanapin; kung gamot naman, Apteka; kung mga damit at accessories, Pepco. Pupunta na sana ako sa isa sa mga tindahang ’to no’ng makilala ko si Maria, ang kauna-unahang Polish na naging kaibigan. May maliit siyang tindahan malapit sa flat namin. Simula nang makilala ko siya, pinipili kong tumawid at maglakad sa kabilang kanto para makapagsabing cześć sa kanya. ’Yan ang hello sa Polish at unang salitang natutunan ko sa Poland. Nasundan ng Dzień dobry, Good morning sa Ingles. ’Yan lang ang Po Polsku na nasasabi ko sa kanya at ang ibang mensahe ko sa kanya, in sign language na lang. Nagtatawanan kami kapag hindi na makapag-intindihan. Nang malaman ko kung paano itanong ang how old are you, tinanong ko siya agad. 78 taong gulang na siya at sigurado akong naabutan niya ang ikalawang digmaan. Sa sumunod na mga pagkikita, inaabutan ko na siya ng mga tula ni Wisława Szymborska na nakasulat sa Polish.

Pauuwiin ako kapag nalaman ng pamilya
Sasampa na sa apat na buwan ang pamamalagi ko rito, nakabisita na sa dalawang minahan, minahan ng asin at ginto. Para sa turista na lang ang mga lugar at naikuwento sa akin ng kaibigang guro na ang coal mine malapit sa binisitang village ang nag-o-operate.

Maliban sa mga museum at mga panturistang lugar, hindi maiiwasang banggitin ang mga hindi kagandahang karanasan sa loob ng apat na buwan. Kung hindi ako nahasa ng mga kalsada ng Maynila, hindi ako magiging magaling umiwas at maging alerto kung may papalapit na posibleng magnanakaw. Sa sentro, mag-isa ’kong namasyal at no’ng pabalik na sa tinutuluyang hostel, may sumalubong sa aking lalaking kakaahon lang sa underpass. Sa simula, iniisip ko na baka papunta lang talaga siya sa direksiyon ko pero ano bang nasa direksiyon ko, isang bloke ng flower pots. Pasimple akong lumakad-takbo at tumabi sa dalawang matandang patawid na rin. Pwedeng praning lang ako at pwede ring hindi. Naulit ang ganitong eksena isang umaga sa terminal ng bus. May mukhang lasing na lalaking papunta sa akin, lumayo ako agad at dumikit sa matandang babae. Ilang minuto, nakita kong may inaabot na zloty ang isang foreigner sa mukhang lasing na lalaki.

Sa terminal ng bus, muntik na mapagtripan. Kinakausap ako ng ilang kalalakihan na parang Chinese words, alam kong ako ang sinusubukan nilang kausapin dahil lahat sila ay nakatitig sa akin habang pinipigilan kong mangatog sa hanging dala ng 6:00 am. Wala silang planong tumigil hanggang makaupo sa malapit na bench. Nilabas ko ang cellphone at nagpanggap na may tinatawagan. Sinabi ko na yata lahat ng salitang Polish na alam ko. No’ng narinig nilang nagmumura na ’ko in Polish sa telepono, do’n lang sila napatigil sa pagsasalita at pagtitig sa akin.

Kapag nalaman ng pamilya kong natulog ako sa train station para makatipid hindi sila matutuwa. Ayokong sayangin ang allowance ko at pabaon nilang pera para sa ilang oras sa hostel. Alangan din kasi ang oras ng tren papuntang bus station at alis ng bus ko papuntang Hungary kaya pinalipas ko ang anim na oras sa bakal na upuan sa waiting area sa Wrocław train station. Tumabi ako sa pamilyang naghihintay din pero no’ng nagising ako, dalawang babaeng magkaibigan na ang nasa magkabila ko. Kapag may nakikita akong posibleng hindi ligtas na katabi, pasimple akong lumilipat ng upuan. Hanggang sa sinita na kaming nagtatagal sa waiting station, nakangiti ko na lang na sinagot ang guard at sinabing 5:00 am ang oras ng tren ko pero sa totoo, Polski Bus sa kanto ang sasakyan ko. Mga 4:00 am na no’ng medyo nagliwanag na sa labas, do’n na ’ko nagkatapang na lumabas.

Ilan pa sa mga mapapatagilid ang mga kapamilya kung malalaman nilang hindi ako nagbabayad sa tren kapag may pagkakataon. Minsang nasita pero nagpanggap na naliligaw pero kadalasan, alangang naliligaw dahil landmark lang ang giya ko sa navigation. Hindi ko sigurado kung tamang tren ang nasakyan papuntang airport. Katulad sa naunang dahilan, nagtitipid ako at minsang internal monologue, tinuturuan at nakikipamuhay akong ayos sa kanilang susunod na henerasyon. Lalong malalagay sa alanganin dahil guro ako sa pinanggalingan kong bayan, hindi ako nagiging magandang halimbawa lalo na kapag nabasa ng mga estudyante ko noon ang ganitong mga gawain.

Minsan kong diretsong sinabihan ang pansamantalang roommate tungkol sa kanyang labis na pagsasalita. Alam kong hindi matutuwa ang mga kapatid ko kapag nalaman nilang hanggang dito ay nagiging masungit ako. Kaswal kong sinabi na masyado siyang maraming sinasabi. Ayun, isang araw siyang hindi masyado nagsasalita at tanging narinig ko lang sa kuwarto namin ay recorded sermon ng pastor mula sa isang bansa. Kinabukasan, no’ng pinag-uusapan na namin ng kaibigan kong Armenian ang pag-upo sa parke at pakikinig sa tubig sa fountain, pasimple niya kaming hiniritan, ’yong mga gaya raw naming nagsusulat-sulat at gumuguhit-guhit lang ang makakahanap ng oras sa pag-upo sa parke at wala naman raw mapapakinggan sa tubig sa fountain. Natawa na lang ako at inabutan ko siya ng kanin at inabutan niya ako ng nsima. Sa puntong ’yon, alam kong ayos na kami at nagkakaintindihan.

Siyam na buwan
Habang sinusulat ko ’to, eksaktong limang buwan pa kong magtatagal sa Poland. Kapag tinatanong ng mga bata rito kung bakit ko ’to pinili, para makaalis sa comfort zone ang lagi kong sagot sa kanila. Tinitipid ko lagi ang sagot, tulad kung paano ko tinitipid ang pagkukuwento sa maraming impormasyon tungkol sa sarili. May nakakasalamuhang mapangahas na bata, walang preno niyang tinanong bakit sa Poland ko piniling maramdamang uncomfortable. Obhetibo kong sinagot ang tanong niya at mukhang nakumbinsi naman siya sa sagot kong dito lang ako natanggap. Dahil mukhang kaya naman niyang iproseso ang sagot at nabanggit niyang nagbabasa siya, sinabi ko sa kanya ang isang linya ni Steinbeck, If it is right, it happens. Napangiti na lang siya at pinasulat sa akin ang linya.

Bago ako makarating sa Poland, binabasa ko na ang ilang tula ni Wisława Szymborska pero hindi ako bumili ng libro niya. Lagi akong nanghihiram ng libro o nagbabasa lang sa internet. No’ng may pagkakataong makapasyal sa Krakow, binisita ko na ang museum niya at doon nakabili ng dalawang libro. Nahihirapan na rin kasi akong unawain ang libro niyang nahiram sa village library, wala kasing English translation. Nang malaman ng mga kaibigang Polish na guro na sinusubukan ko siyang isalin sa Filipino, natuwa sila at may nag-alok pang tumulong sa akin. In chorus sila lagi sa pagsasabing mahirap ang ginagawa ko. Sa simula pa lang kumbinsido na ko na hindi ko matatapos ang pagtatangka, hindi madaling aralin ang salita ni Wisława. Kaya nitong nakaraan, ang ilang isinasalin ay hinango ko na mula sa salin sa Ingles. Narito ang pagtatangkang sipi sa tulang Możliwości ni Wisława Szymborska.

Posibilidad

Pinipili ko ang maraming mga bagay na hindi ko nabanggit dito
napakaraming mga bagay na hindi ko na nasabi
Pinipili ko ang kawalan na nakawala,
’yong mga nakalinya na nasa lihim na kodigo
Pinipili ko ang oras ng mga insekto kaysa oras ng mga bituin.
Pinipili kong kumatok sa kahoy.
Pinipili kong ’wag magtanong gaano pa katagal at kailan.
Pinipili kong tandaan ang mga posibilidad,
na ang pag-iral ay may sariling dahilan para sa pagiging.

Maraming posibilidad at pagtuklas ang ipinaraya nitong pananatili ko sa Poland, sa lugar na maraming patatas, may masalimuot na kasaysayan at sa lugar ni Maria na hindi nagdadamot na ngumiti at makipagkuwentuhan.

Paano umuwi
Ito ang pinili kong ibahagi sa ngayon at hanggat hindi pa ko umuuwi, madaragdagan pa ang kuwento ko tungkol sa bansang ’to. Inihahanda ang sarili sa pagbisita sa Auschwitz Museum at ang pagsilip sa iba pang lugar dito. Tulad ng pagtitiwala ko sa kakayahang matatagalan ang taglamig at lungkot, nagtitiwala ako sa proseso ng pagkatuto habang nandito. Soon we are not here, ’yan ang pakawalang linya ng kasamahang Ethiopian volunteer. Iyon naman ang tiyak, aalis kami rito. Ano naman ngayon? Idaragdag ko na maliban sa pagkukuwento, nakatutulong ang pagtatanong sa pag-iral ko rito. Dito ko nalaman ang saysay nang pagtatanong sa sarili. Tanong na esensiyal sa ngayon, habang nasa pagitan ako, nasa transit. Ano nga ba ang nakukuha ko mula rito, maliban sa pandagdag sa cultural capital? Sinusubukan ko pang buuin ang sagot sa tanong, may limang buwan pa. Nagiging mabait ang oras sa akin dito at may kaunting luwag na binasbas itong pinanggalingang panggitnang uri. Malay naman akong kailangang sumabak pag-uwi. Sa ngayon, hihingi muna akong paumanhin sa tinawag kong patrong poon ng mga di napapagod humingi ng tawad dahil sa kawalang talas sa pagsagot sa mga tanong at iaalay ang ilang linya sa tulang “Under One Small Star” ni Szymborska,

My apologies to everything that I can’t be everywhere at once. My apologies to everyone that I can’t be each woman and each man. I know I won’t be justified as long as I live, since I myself stand in my own way. Don’t bear me ill will, speech, that I borrow weighty words, then labor heavily so that they may seem light.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s