May Bisikleta sa Langit

Mubarak Tahir 

Sa ilang magsasakang naglalakad, katawag-tawag pansin ang imahen ng isang batang lalaki. Hindi aakalaing kasama siya ng mga magsasaka sa unang tingin dahil sa liit ng pangangatawan niya. Kung titingnan mabuti ay mga nasa labing-isang taong gulang siya. Punit-punit halos ang laylayan ng damit niya na hindi na rin maaninag ang totoong kulay dahil sa putik nito. Walang sapin ang kanyang mga paa. Huminto siya upang ayusin ang pagkakasuot niya ng lumang salakot. Inayos niya rin ang maluwag na pagkakatali ng isang maliit na galon ng tubig sa kanyang giliran.

Mataas na rin ang sikat ng araw nang marating ng mga magsasaka ang kanikanilang mga sakahan. Ang iba naman ay may kalayuan pa ang lalakarin dahil sa may dulo na ng sakahan ang mga sinasaka ng mga ito.

Dito na ’ko, sabi ng isang matandang lalaki.

Sige po, Bapa Agkog, sagot ng batang lalaki na abala sa pagpahid ng kanyang pawisang noo.

Naghiwalay ng direksyon ang batang lalaki at si Bapa Agkog. Tinungo na ng bawat isa ang kanikanilang mga sakahan.

Nagsisimula ng uminit ang sikat ng araw. Halos hindi na rin maaaninag ang mga magsasaka sa kanilang mga sakahan dahil sa masakit na sinag ng araw. Tanging ang batang lalaki na lamang ang makikitang imahen sa malawak na luntiang palayan. Nakayuko siya habang nagbubunot ng damong ligaw sa gilid ng mga pilapil at nagbubungkal ng lupa. Ilang sandali ay matuwid siyang tumayo. Tumingala at huminga siya nang malamin. Tirik na ang araw at nagsisimula nang isa-isang nagsialisan ang ilang magsasaka sa kanikanilang sakahan upang magpahinga at mananghalian. Sa isang abandonadong kubo na nasa gitna ng sakahang pinagtatrabahuan ng bata ay pansamantala siyang nagpahinga. Hindi pa man tuluyang nakauupo ay agad niyang kinuha ang kanyang lumang galon na lalagyan ng tubig. Huminga siya nang malalim. Tumingala siya kasabay ng pagtaas ng bibig ng galon. Ibinuhos niya ang tubig sa kanyang tuyong bibig. Muli siyang huminga nang malalim tanda ng kanyang kapanatagan. Umupo siya. Inalis na rin niya ang kanyang salakot. Minsan siyang sumisipol upang lumakas ang hangin nang mapawi ang init na kanyang nararamdaman. Sa isang supot ay kinuha niya ang kanyang binalot sa dahon ng saging ang kanyang pananghalian. Mangiti-ngiti siya habang inilalagay ito sa mesa. Marahan niya itong binuksan. Bumungad sa kanyang pang-amoy ang mabangong kanin dahil sa dahon ng saging na pinahiran ng mantika. Nakita niya ang kanin na may nakapatong na nilagang itlog. Bahagya siyang napatingala bilang pasasalamat.

Nang makapagpahinga ay inayos niya ang kanyang mga gamit. Kinuha na rin niya ang kanyang salakot na kanyang isinabit sa isang pako ng poste ng kubo kung saan nakasabit din ang galon na sisidlan ng kanyang tubig. Bago siya tuluyang umalis ng kubo, pinagmasdan muna niya ang malawak na sakahan. Napabuntong hininga siya. Malawak pa ang kanyang tatrabahuin. Tumungo na siya sa sakahan. Muli na namang makikita ang isang maliit na imahen ng batang lalaki na nagbubungkal ng lupa at mga damo sa malawak na sakahan habang tirik na tirik ang araw.

Bago pa tuluyang lumubog ang araw ay muling tinalunton ng mga magsasaka ang daan pauwi. Makikita sa kanila ang pagkapagod ngunit ang masaya nilang kwentuhan habang binabaktas ang daan ay nanatili sa kanikanilang mga imahen.

Muling naghiwa-hiwalay ang mga magsasaka patungo sa kanikanilang mga bahay. Isa isang maliit na daanan ay lumiko ang batang lalaki. Ilang metro pa at natanaw na niya ang isang kubo na napapagitnan ng dalawang puno ng niyog na hindi gaano kataasan. May natatanaw siyang usok na nagmumula sa maliit na barongbarong na tila matagal nang inabandona. Ngunit para sa batang lalaki, ito ang kanilang palasyo. Walang katulad na palasyo. Napahinto siya nang biglang may dumaan na isang batang lalaki rin na halos kaedad lamang niya na nakasakay ng bisikleta na may makukulay na palamuti ang gulong. Nakasuot siya ng puting polo. Nakapantalon ng maong at nakasuot ng bagong sapatos. May suot siyang bag sa likuran. Pauwi siya galing paaralan nang makasalubong niya si Jameel na galing sa sakahan.

Nang marating ni Jameel ang kanilang bahay, nadatnan niya ang kanyang ina na si Babo Kalugay na nagbabayo ng palay para maisaing sa kanilang hapunan. Sila na lamang dalawa ang magkasama simula nang sumama sa mga rebelde ang kanyang ama limang taon na ang nakalilipas. Sa kabila nito, umaasa pa rin silang babalik siya sa kanyang dalawang tahanang iniwan.

Assalamo alaykom, bati ni Jameel sa kanyang ina. Ako na lang d’yan magbayo, dugtong pa niya habang inaalis ang kanyang salakot at iba pa niyang gamit.

Ako na lang dito. Magpahinga ka na sa loob tapos maglinis ka, paalala ng kanyang ina.

Tumuloy sa loob ng bahay si Jameel. Lumingon siya at pinagmasdan ang kanyang ina na marahang inaangat ang pambayo. Nakaramdam siya ng pagkalungkot dahil bakas na sa bisig ng kanyang ina ang kahinaan at katandaan.

Nang matapos maghapunan si Jameel at ng kanyang ina ay nagdasal muna sila bago magpahinga. Sa kabila ng buong maghapon na pagtatrabaho at pagod ang nararamdaman, hindi siya dinadalaw ng antok. Hindi siya mapakali. Halos lahat ng posisyon ay nagawa na niya makatulog lamang.

Mainit ba? pagtatakang tanong ng ina ni Jameel sa kanya na nakadilat pa rin ang mga mata.

Ilang saglit pa, lumabas si Jameel. May isang duyan sa harap ng bahay na nakakabit sa isang malaking sanga ng mangga, habang ang isang dulo nito ay nakatali sa kahoy na poste ng bahay. Umupo siya rito habang marahang isinasadsad ang kanyang mga paa sa lupa. Nakatulala lamang siya habang nakatingala sa langit. Pinagmasdang mabuti ang mga bituin. Unti-unting nakaukit ang mga ngiti sa kanyang mga maninipis niyang mga labi. Biglang nabuo sa kanyang isipan ang nakita niyang bisikleta nang makasalubong niya si Amir. Habang paisa-isa niyang iniukit sa kanyang musmos na imahinasyon ang bawat makukulay na bahagi ng bisikleta. Sa pagkakataong iyon unti-unti ring nabubuo ang bagay na kanyang gusto. Gusto niyang magkaroon ng bisikleta kagaya ng kay Amir. Ang kanyang mga ngiti habang pinagmamasdan ang butuin ay biglang napalitan ng kalungkutan.

*

Hapon nang pauwi si Jameel noon galing sa bahay ni Bapa Agkog upang humiram ng kagamitan sa pagsasaka. Nakasalubong niya ang ilang batang lalaki na kaedad lamang niya na masayang nagbibisikleta. Hindi niya pinansin ang mga ito dahil nagmamadali siya papunta sa palayan. Habang siya ay naglalakad, bigla na lamang siyang nakaramdam ng sakit sa kanyang likod. Tumama sa kanyang manipis na likod ang isang maliit na bato. Napalingon siya. Nakita niyang mabilis na umalis ang mga batang lalaki habang nagtatawanan. Maluha-luha na lamang niyang sinundan ng tingin ang mga ito habang mahigpit nakakuyom ang kanyang mga palad.

Bago tuluyang umuwi ng hapon na iyon si Jameel, naisip niyang dumaan sa isang batis na pinagmumulan ng tubig patungo sa malawak na palayan. Natatakpan ng mayayabong at malalapad na iba’t ibang dahon ng mga halaman at mga puno ang batis. Masaya siyang nagtampisaw habang hinahabol ang mga maliliit na isda na kanyang naaaninag sa batis. Hindi rin nakaligtas sa kanyang maliliit na daliri ang mga maliliit na hipon na kanyang inilalagay sa galon na kanyang sisidlan ng tubig. Nang makaramdam siya ng pagod, nagpahinga at umupos siya sa paanan ng isang malaking puno na sumasadsad sa batis ang ilang malalaking ugat nito. Kumuha si Jameel ng mamasa-masang putik. Dahan-dahan niya itong inilapat sa kanyang mga palad. Pinisil-pisil at marahang idiniin. Kanya rin itong inikot-ikot sa kanyang mga palad, binilog at muling idiniin. Hinati niya ang putik sa ilang bahagi. Ang dalawang bahagi ay muli niya itong binilog at idiniin. Saglit siyang kumuha ng matulis na sanga ng kahoy. Kinuha niya muli ang putik at dahan-dahan niya itong inukit ng hugis at anyo ng gulong. Nagpatuloy siya. Habang nabubuo niya ang bagay na iyon ay unti-unti ring nabibigyang hugis ang kanyang mga ngiti. Isang pangarap na unti-unting pinagtatagpi-tagpi ng pagkakataon.

Marahang inilagay ni Jameel sa isang malapad na dahon ang kanyang nabuong bisikleta na yari sa putik. Minsan hinihipan niya ito upang matuyo. Dahil papalubog na ang araw ay hindi na niya ito mapatutuyo pa kaya iniwan niya na lamang ito sa isang sanga ng malaking kahoy. Siniguro niyang hindi ito mahuhulog. Ipinangako niyang babalikan niya ito kinabukasan.

Hindi pa man sumisikat ang araw kinaumagahan ay maagang gumising si Jameel. Masigla siyang naghanda ng kanyang mga gamit at babaunin para sa kanyang pagsasaka.

Maaga ka, wata ko? pagtatakang tanong ng kanyang ina na kagigising lamang.

Hindi sumagot si Jameel ngunit isang matamis na ngiti ang kanyang itinugon sa kanyang ina na na noo’y patungo sa banggerahan upang maglinis para sa pagdarasal sa umaga.

Bahagyang sumisikat na ang araw nang sabik na umalis si Jameel. Lakad-takbo niyang tinalunton ang mabato at maalikabok na daan patungo sa sakahan. Minsan ay napapatalon siya dahil sa pananabik na makita ang kanyang ginawang bisikleta na kagabi pa niya iniisip. Narating niya ang batis. Ngunit ang pananabik niya ay biglang napalitan ng takot at kaba nang marinig niya ang tawanan ng mga batang lalaki na naliligo sa batis. Huminto siya at naisip niyang hindi na niya ito kukunin ngunit mas nangibabaw ang kanyang kagustuhang makuha ang bisikletang putik kaysa sa matakot sa mga batang lalaki. Dahan-dahan siyang lumapit sa malaking kahoy kung saan niya inilagay ang bisikletang putik. Tahimik siyang umakyat sa isang sanga.

Hoy! Ano ‘yan? tanong ng isang batang lalaki. Ano hinahanap mo? dugtong pa niya na nakatawang nakikipagtinginan sa kanyang mga kasamang bata.

Hindi kumibo si Jameel lalo’t nawawala ang kanyang ginawang bisikleta na yari sa putik. Nadismaya siya. Maluha-luha siyang bumaba sa sanga at kumaripas nang takbo patungo sa sakahan. Bigla namang napatayo si Amir nang biglang tumakbo si Jameel paalis ng batis. Tiningnan niya ang kanyang mga kabigan na nagtatawanan. Napayuko na lamang siya.

*

Isang maliit na sinag ng araw ang nagpagising kay Jameel habang nakahiga sa duyan. Hindi niya namalayang nakatulog at inumaga na siya. Agad siyang bumangon at umakyat sa bahay upang maglinis at maghugas nang makapagdasal para sa umaga.

Hindi na kita pinukaw, wata, sabi ng ina ni Jameel habang naghahanda ng kanilang agahan na sinangag at pritong bulad.

Biyernes sa araw na iyon kaya naman walang trabaho sa sakahan bilang pamamahinga at araw ng pagdarasal. Ito rin ang araw na malaya si Jameel maglaro at gumala kasama ng kanyang mga kaibigan. Ngunit bihira lamang siyang makipaglaro sa mga bata sa kanila lalo’t hindi siya nakasasabay sa mga hilig ng mga ito. Mas maraming pagkakataon na tampulan siya ng panunukso ng mga ito dahil sa kanyang damit at iba pang mga gamit dahil sa kahirapan. Mas pinili niyang walang kasama. Mas nagiging malaya siya. Walang panghuhusga.

Kinasanayan na ni Jameel na magdasal tuwing araw ng Biyernes sa masjid. Sa araw rin na iyon ay nagpaalam siya sa kanyang nanay na pupunta siya sa bayan pagkatapos niyang magdasal. Nang makalabas siya sa masjid, sinimulan niyang taluntunin ang daang nag-uugnay sa bayan at sa nayon. May isa siyang dahilan kung bakit siya pupunta sa bayan. Doon matatagpuan ang kanyang simpleng pangarap. Gamit ang isang maliit na tuwalya ay ipinatong niya ito sa kanyang ulo upang hindi niya gaanong maramdaman ang matinding sikat ng araw. Hindi niya rin batid ang pagdampi ng init sa kanyang manipis na balat at sa kanyang paa dahil sa manipis niyang tsinelas.

Halos abutin siya ng isang oras bago nakarating sa bayan. Wala siyang inaksayang oras. Agad niyang hinanap ang isang malaking tindahan. Sa isang kalye kung saan paisa-isang pumapasok ang mga tao, nakita niya ang tindahan. Napangiti siya. Mabilis niya itong tinungo. Nang malapit na siya rito, bumungad sa kanya ang makukulay at iba’t ibang uri ng mga laruan. Sabik siyang pumasok.

Ops! Bawal pumasok! sabi ng nakabantay na lalaki habang nakaharang sa tapat ni Jameel ang kanyang malalaking kamay.

Napatingala sa lalaki si Jameel.

May titingnan lang sa loob, bapa, magalang na pagpapaliwanag niya.

Lalong hinarang ng dalawang kamay ng lalaki si Jameel habang nakatingin sa kanya na puno ng panghuhusga dahil sa taas-baba niyang paningin sa pananamit niya. Halos malaglag ang balikat ni Jameel dahil sa pagkadismaya. Hindi na siya nagpumilit pa. Tumambay siya sa harap ng tindahan. Lumapit siya sa pader nito na yari sa salamin ang kalahati kaya nakikita pa rin ang halos laman nito sa loob. Pinagmasdan niya ang mga laman ng tindahan. Nakita niya sa loob ang ibang bata na masayang hinahawakan ang mga laruan kasama ng kanilang mga magulang habang ang ibang mga bata ay tuwang-tuwa na bitbit ang kanilang nabiling mga laruan. Gustuhin man niyang pumasok at hawakan ang mga laruan ay hindi maaari kaya hanaggang tingin na lamang siya sa labas. Sa kanyang pagmamasid ay biglang nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa labis na pagkamangha nang nahuli ng kanyang paningin ang bagay na kanyang hinahanap at inaasam-asam. Nakabitin ito sa itaas na bahagi ng hagdanan ng tindahan. Kulay pula ang manibela nito habang itim naman ang kabuoang katawan na kumikinang dahil sa pintura nito at sadyang kaakit-akit ang mga makukulay na palamuti nito sa gulong. Sa gayong pagkakataon inilapat ni Jameel ang kanyang mga palad sa salamin. Hindi maipinta ang kagalakan sa kanyang mukha na halos maluha-luha ang kanyang malulungkot na mga mata. Biglang natagpuan ni Jameel ang kanyang sarili na nakasubsob sa mabatong daan sa harap ng tindahan. Hindi niya namalayang biglang hinila ng nagbabantay na lalaki ang kanyang damit na bumuwal sa kanyang pagkakatayo. Umiiyak na tumayo si Jameel habang kinapa-kapa ang kanyang tuhod na nagtamo ng sugat dahil sa mabatong daan. Nakaramdam siya ng sakit na nagpahirap sa kanya na tumayo. Pinagpagan niya ang kanyang damit dahil sa kumapit na alikabok. Bahagya siyang lumayo sa harap ng tindahan. Paika-ika siyang pumunta sa harap ng isa maliit na tindahan na nasa harap lamang ng tindahan ng mga laruan. Muli niyang ibinaling ang kanyang paningin sa bisikleta subalit halos hindi na niya ito makita. Napayuko na lamang siya.

Mag-iipon ako, bulong ni Jameel sa kanyang sarili.

Hindi nahawakan at nalapitan ni Jameel ang bisikleta ngunit sapat na para sa kanya ang masilayan ito. Natakpan ng panandaliang saya ang kanyang masakit na sinapit . Iniwan niya ang bisikleta na umaasang makikita at makakamit ito sa susunod na pagkakataon.

Muling tinalunton ni Jameel ang daan patungo sa nayon. Habang paika-ika siyang naglalakad ay sumagi sa kanyang isip ang kanyang ama. Naisip niyang kung kasama lamang nila ang kanyang ama ay marahil hindi mahirap ang buhay na kanilang nararanasan ng kanyang ina. Subalit nagsimulang magbago ang kanilang kalagayan nang mag-asawa ng ikalawa ang kanyang ama. Maraming nabuong mga pangarap sa musmos na imahinasyon ni Jameel subalit ang mga pangarap na iyon paisa-isang naglalaho simula nang mawalay ang kanyang ama sa kanila. Napabuntong hininga na lamang siya.

Sa kanyang paglalakad ay nadaanan ni Jameel ang paaralan na pinapasukan ni Amir at ang mga kaibigan niya. Saglit siyang huminto. Naalala niyang kung hindi lamang siya huminto at nagtrabaho sa sakahan upang tumulong sa kanyang ina ay marahil kasabayan rin niya ang mga batang nandoroon.

Bapa! sigaw ni Amir sa isang lalaking huminto sa harap niya habang naghihintay.

Dumating ang sundo ni Amir sakay ng isang magarang sasakyan.

Nagpatuloy sa paglalakad si Jameel.

Hindi pa man tuluyang nakalalayo sa paaralan si Jameel ay biglang may huminto na sasakyan.

Jameel, sakay ka, anyaya ni Amir kay Jameel.

Umiling si Jameel ngunit pinilit siya ni Amir lalo’t nakita niyang paika-ika siyang naglalakad. May kalayuan pa ang lalakarin niya kaya nakayuko siyang umakyat at sumakay ng sasakyan. Tahimik lamang siya sa loob ng sasakyan. Unang beses siyang makasakay ng ganoong kagara na sasakyan.

Dito lang siya, mabilis na sabi ni Amir na halos magkasabay din sila ni Jameel na pumara.

Marahang bumaba si Jameel. Nakayukong nagpasalamat si Jameel kay Amir.

May ibibigay nga pala ako, sabi ni Amir habang nakangiti.

Nagulat si Jameel sa kanyang nakita na nasa palad ni Amir.

Nakangiting iniwan ni Amir si Jameel sa daan na papunta sa kanilang bahay kung saan naghihintay ang kanyang ina. Muling bumalik ang saya sa mukha ni Jameel lalo nang malaman niyang alam ni Amir kung saan siya nakatira. Higit sa lahat nang ibalik at iabot sa kanya ang bisikletang putik.

Pagdating ni Jameel sa bahay ay ikinuwento niya sa kanyang ina ang mga magandang nangyari sa kanya lalo nang pasakayin siya ni Amir. Hindi na makita sa kanyang mukha ang pagkadismaya lalo na ang mga nangyari sa kanya sa tindahan sa bayan. Masaya siya dahil nilapitan siya ni Amir at nagbalik sa kanyang bisikletang putik.

Bago matulog sa gabing iyon ay ibinalot ni Jameel ang bisikletang putik sa isang papel at isinilid sa maliit na kahon. Katabi niya itong natulog.

Magtatanghali na ngunit hindi pa rin bumabangon si Jameel na ipinagtaka ng kanyang ina. Mahigpit na nakayakap sa isang unan si Jameel na nanginginig ang kanyang mga labi na para bang nilalamig. Marahang inilapat ng kanyang ina ang kanyang palad sa noo ni Jameel. Kinabahan nang maramdamang mainit ang halos buong katawan ni Jameel. Namumutla na rin ito. Hindi alam ng ina niya ang gagawin sa gayong kalagayan. Agad siyang nagpakulo ng tubig. Mabilis na bumaba at naghanap ng mga dahon ng guyabano at iba pang halaman sa kanilang bakuran bilang panlunas sa anak na nag-aapoy sa init. Nang pupunasan na niya ang anak na si Jameel ay laking gulat niya ng bigla itong sumuka ng dugo. Muntikan na niyang mabitawan ang kanyang hawak-hawak na maliit na plastik na palanggana na mayroong tubig at mga dahon. Mabilis niyang iniangat ang lupaypay na katawan ng anak. Agad siyang tumakbo palabas ng kanilang bahay upang humingi ng tulong.

Sa tulong ni Bapa Agkog, nadala sa pinakamalapit na pagamutan sa bayan si Jameel. Hindi mapakaling naghihintay sa labas ng isang maliit na silid si Babo Kalugay. Maluha-luha siyang nagdarasal. Wala siyang bukambibig kundi ang pangalan ng anak. Minsan siyang napapasilip sa maliit na butas ng silid. Ilang oras pa ay lumabas ang tumingin sa kondisyon ni Jameel. Biglang siyang napaluhod nang malaman niyang may dengue ang kanyang anak. Agad niyang pinuntahan sa loob ang walang malay niyang anak na nag-aapoy pa rin sa init. Awang-awa siya sa kalagayan ng anak na hirap sa paghinga. Wala siyang ibang magawa kundi ang yakapin at hagkan nang paulit-ulit si Jameel.

Hindi pa rin bumababa ang lagnat ni Jameel ngunit nagkamalay na siya. Ngunit mababakas sa kanya ang panghihina. Halos hindi niya nalulunok ang kanyang mga kinakain. Mabilis din bumagsak ang kanyang katawan na mas lalo niyang ikinapayat. Habang wala si Babo Kalugay ay tanging ang bisikletang putik ang nagbibigay lakas sa kanya. Hawak-hawak niya ito habang pinagmamasdan.

Umi ko, malakas na iyak ng isang batang lalaki sa katabi ng katre na kinahihigaan ni Jameel. Ayaw ko! Umi, di ‘yan totoo! Di na ako makabisikleta, humahagulgol na dugtong ng bata.

Nakilala ni Jameel ang tinig na iyon. Iyon ang tinig na narinig niya habang nakasakay sa sasakyan. Malinaw sa kanyang pandinig ang tinig ni Amir na umiiyak. Gusto niya itong puntahan ngunit mismong siya ay hindi rin niya maigalaw ang kanyang buong katawan. Naiyak na lamang siya sa kalagayan ng kanyang itinuring na bagong kaibigan.

Ilang araw ang dumaan ay mas lalong lumala ang kalagayan ni Jameel na kinakailangan na siyang salinan ng dugo. Naubusan na rin ng dugo na pwedeng maisalin sa kanya ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan na nasa lungsod pa. Halos mabaliw na si Babo Kalugay sa kalagayan ng anak.  Labas-masok siya sa silid upang humingi ng tulong ngunit wala siyang makitang ibang paraan. Wala siyang ibang makapitan kundi ang Panginoon sa mga oras na iyon. Isang himala ang kanyang hinihintay.

I’na ko, okey lang ako, biglang sambit ni Jameel na mahigpit ang pagkakahawak sa kamay ng kanyang ina. Ipagdasal n’yo lang ako, sambit pa niya habang umiiyak ngunit nakangiti.

Wata ko, sagot ni Babo Kalugay na umiiling sa mga naririnig sa anak.

Na, natatakot ako para sa inyo. Paano na kayo, pag-aalalang sabi pa ni Jameel.

Nanlumo at nanghina si Babo Kalugay sa mga salitang naririnig mula sa putlang mga labi ng kanyang anak. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Jameel at niyakap ito.

Huling araw na ni Jameel sa pagamutan. Sinundo siya ni Amir na nooy sakay ng bisikleta na may nakalaang upuan sa likod nito. Mahina man ang pangangatawan ay sinikap ni Jameel na sumakay sa bisikleta ni Amir sa huling pagkakataon. Habang paalis ang dalawa patungo sa malawak na luntiang palayan ay nakatayo si Babo Kalugay at ang ina ni Amir.  Pinagmasdan ng bawat isa sa kanila ang mga anak nila. Hindi napagilan ng dalawang ina ang yakapin ang isa’t isa. Isang yakap ng pagpapalaya at pagpapatawad bilang mga babae, asawa at ina.

Masayang nilakbay nina Jameel at Amir ang buong palayan. Pinuntahan din ng dalawa ang mga paborito nilang tambayan gaya ng batis at mga ilog. Nang malapit nang magdapithapon, sandali silang huminto at tumambay sa isang barongbarong sa gitna ng palayan. Malamig na simoy ng hangin ang kanilang kasama habang nakaupo. Tahimik ang dalawa. Malayo ang tingin.

Kaka ko, mahinang sambit ni Amir.

Bunso? pagaralgal na sagot ni Jameel kay Amir.

Naiyak ang dalawa. Nagharap sila. Pinagmasdan ang mukha ng bawat isa habang hindi namamalayang unti-unting pumapatak ang kanilang mga luha. Kinuha ni Amir ang kamay ni Jameel na nanginginig sa pag-iyak.

Wag kang umiyak, kuya Jameel.

Isang mahigpit na yakap ang iginanti ni Jameel kay Amir na noo’y hindi mapigil ang pag-iyak. Nababalot ng pangungulila ang munting barongbarong. Ito ang unang pagkakataon na magsama ang magkapatid na si Jameel at Amir. Pareho silang nawalay sa kanilang mahal na ama. Tuluyan nilang pinalaya ang kanilang mga puso na nababalot ngayon ng pag-unawa at pagmamahal sa isa’t isa sa mga huling sandali. Tawanan at biruan ang pinagsaluhan ng dalawa. Hindi nawala sa kanilang kuwentuhan ang kanilang ama. Pareho silang walang galit at tampo sa kanya. Isang masayang imahen ng dalawang batang lalaki ang nakaukit sa barongbarong habang papalubog ang araw.

Dalawang araw ang nakalipas ay pumanaw si Jameel. Mahirap man ay walang magawa si Babo Kalugay maging si Amir kundi tanggapin ang katotohanan. Wala silang ibang pinanghahawakan kundi ang paalala ng Panginoon na ang lahat ng may buhay ay makakatikim ng kamatayan. Para sa kanila nauna lamang si Jameel. Sa bandang huli ay magkikita-kita rin sila.

Naunang umalis ang mga nakilibing. Nagpaiwan muna si Amir. Tahimik siyang nanalangin para sa namapayapang kapatid. Hindi niya maiwasang umiyak ngunit tahimik lamang siya. Ni isang salita nang panunumbat sa itaas ay walang lumabas sa kanyang bibig bilang iniiwasan ito sa kanilang paniniwala. Marahang ipinatong ni Amir sa puntod ni Jameel ay ang bisikletang putik.

Hintayin mo ‘ko. Sabay tayong magbisikleta, maluha-luhang huling pahayag ni Amir sa puntod ng kapatid.

Nilisan ni Amir ang lugar na iyon. Ngunit sa bawat paghakbang niya ay isang pananabalik ang kanyang nararamdaman na makasama ang kanyang kapatid lalo’t alam niya sa sarili niya bilang na lamang din ang kanyang mga oras dahil sa sakit na leukemia. Nakahinga siya nang magaan. Nakatingala siya habang nakangiti. Tinalunton niya pauwi ang daan pauwi sa kanila kasabay nang paglubog ng araw. Tanging anino na lamang ng mga palay ang naaninag sa sakahan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s