Visayas Sa Mindanao

Mohammad Nassefh Macla

1. Manong Jaime

Nakakapanibago ang gabi ng ikatatlumpu’t isa ng Disyembre sa Barangay Datu Abdul – ito ang aking naaalalang sagot nung ako’y unang kinumusta ni Manong Jaime tungkol sa paninirahan sa aming bagong bahay. Naisip kong matagal na naman akong makakatulog sa tinatawag nilang media noche dahil sa inaasahan kong ingay ng mga paputok. Hindi naman ako nagkamali. Sa katunayan, maghahatinggabi na din nang ako’y makatulog nung gabing ‘yun, ngunit hindi dahil sa ingay ng mga paputok, kundi dahil sa nakabibinging katihimikan sa paligid. Talagang nakakapanibago, diin kong sumbong kay Manong. Siya’y natawa lang. Natawa na lang din ako’t napailing habang pinagpipilian ang mga pagkaing nakahanda sa kanyang hapag.

Nah, di ka makatulog diri kay saba kaayo gabi-i,” ‘di ko na inusisa ngunit inunahan pa rin ako ni Manong sa paglalarawan ng maingay nilang gabi. Alam ko naman kasing buhay na buhay sa dati naming tinitirhan sa Barangay New Visayas tuwing bisperas ng bagong taon. Pinakinggan ko na lang din ang iba pa niyang ibinahaging karanasan tungkol sa kanyang pagdiriwang ng New Year habang sinisilid niya ang mga pagkaing ipapadala sa akin kina Ama at Ina sa isang malaking supot na may tatak pa ng pangalan ng isang sikat na grocery store sa Panabo. Ikinwento niyang kasama niya lang ang kanyang mga pamangkin at masaya nilang pinanonood ang iba pang kabataang nagpapaputok ng kwitis, payb star, at sinturon ni hudas sa gitna ng daan; na sumasabay ang kumakantang tinig ng lasing na mama sa tindahan ni Aling Pepay sa ingay ng mga paputok, habang ang mga kainuman nito’y namumulutan ng baboy na nilitson ng asawa ni Aling Pepay kahapon ng umaga. Ganyan palagi ang tagpo. Kabisado ko na. Ang kaibahan lang ay wala na kami sa eksena.

Nagdaan na ang maraming bagong taon at nakagawian na ni Manong ang magteks kang Ama tuwing umaga ng unang araw ng Enero upang ipakuha ang mga pagkaing nakagawian niya na ring itabi para sa amin. “Halal na ha,” taun-taon niyang paalala. Sa tinagal-tagal na niya sa pamilya, alam na ni Manong kung ano ang pwede’t bawal sa amin. Naintindihan niya na ring haram o ipinagbabawal sa aming relihiyon ang pagdiriwang ng bagong taon, at kung bakit di ako sumasagot at bumabati pabalik sa tuwing sinasalubong niya sa akin ang kanyang masayang “Happy New Year, Dong.”

Magkaganun man, hindi kami tumatanggi sa alok na pagkain ni Manong. Ako naman agad ang nagkukusang kumuha ng mga ito sa kadahilanang bukod sa ako ang unang makakatikim ng mga pagkaing ito, gusto ko ding makausap at makumusta si Manong. Yan ay mula nang napalayo na kami sa kanya ng tirahan. Noon, si Manong ay nakatira lamang sa kubong siya rin ang may gawa na nakatirik sa likod ng aming bahay. Sa aming paglipat, giniba niya ito dahil na din sa utos ni Ama, upang matamnan ang kinalalagyan nito ng saging na pinagkakakitaan ng pamilya at nang sa gayo’y makalipat na din siya sa aming lumang tinitirhan. Natuwa ako nung una ko siyang binisita dahil mas malaki na ang kanyang bahay at napansin ko din na nasa mismong higaan ko noon siya ngayon natutulog. Gayunpaman, kung anong kinalaki ng tinitirhan niya ngayon, ganun naman kalungkot ang kanyang paninirahan dahil nag-iisa lamang ito.

Kanus-a man mahuman imong pag-inusara ‘Nong?” tawa lang ang tugon niya nung biniro ko siya sa pagbubuhay-single niya. Hindi ko natanong sa kanya ngunit mukhang lagpas limampung taon na yata ang edad ni Manong. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon, wala pa rin siyang sariling pamilya. Ni minsan hindi ko din nabalitaang nagkaroon siya ng uyab. Hindi ko din masyadong nakabisa ang buhay ni Manong sa Tagbiliran sa Bohol. Ngunit ika niya, kung nanatili siya ‘dun, malamang imbes na itak at kawit na panabas at pang-ani ng mga saging ang kanyang hawak, ay baka riple ng baril ang kanyang dala-dala tulad ng kanyang mga kapatid. Kailanma’y hindi ko nadamang naging malungkot siya sa paninirahan bilang katiwala ng pamilya. Laking pasalamat niya sa aking Ama Tadung, ang ama ni Ama sa pagpapatuloy nito sa kanya. Kaya mula sa Visayas ay napadpad si Manong sa New Visayas. “Bagong Visayas, bagong buhay, bagong Manong Jaime,” naisip ko bigla nang mapakinggan ang kwento ni Manong, ngunit ikinubli ko na lang ito at baka maisip niyang hindi ako seryoso sa pakikinig sa kanya. Dugtong niya’y binibisita pa rin daw naman niya ang kanyang mga naiwang kamag-anak sa Tagbilaran. Huling dalaw niya’y nung namatay ang isa sa kanyang mga kapatid.

Uli man gihapon ko dayon diri sa Panabo. Di ko nagadugay didto.” Nakakatawang uli ang ginamit niyang salita nung pinaliwanag niyang ‘di siya nagtatagal doon.

Hindi aksidenteng New Visayas ang pangalan ng aming barangay, dating barangay pala. Noon pa ma’y nahihiwagaan na ako sa pangalan nito. Bakit kaya New Visayas? Kung sa bagay, mas marami naman talagang Bisaya sa barangay na ito. Iilan lang yata kaming mga Kagan, Mandaya, Mansaka, Maranao, at iba pang nasa di-Bisayang tribo na nandito sa barangay na ito. Sa katunayan, kami lang ang Muslim at Kagan, o sa madaling sabi, ang Moro, sa bandang amin. Lalo pa ngayon at lumipat na kami. Nabawasan pa ang bilang ng mga di-Bisaya sa Barangay na ito. May New Mindanao din kaya sa Visayas? Malamang wala. Wala naman masyado akong naririnig na malaking hanay na taga-Mindanao na nakatira sa Visayas. Akma naman kay Manong ang pangalan ng barangay na ito. Bukod kasi sa pagiging Bul-anon, may dugong Cebuano din daw siya.

Habang ang Datu Abdul naman ay hango sa namatay nang si Datu Abdul Dadia, ang tagapagmana ng kadatuwan ni Datu Dadia, ang unang datu ng tribong Kagan sa syudad ng Panabo. Nalaman ko ito mula mismo kay Ama na dating kagawad ng barangay. Nakakatawang isipin na isa siyang kagawad na hindi naman nakatira sa kanyang barangay. Noon, akala ko ang Datu Abdul ay pamayanan ng mga Kagan lamang. Ngunit di kalaunan, sa pakikilahok ko sa mga kampanya ni Ama tuwing panahon ng halalan, napansin kong may di-kalakihang komunidad din pala ng mga Magindanawon sa barangay na ito. At mas nakakagulat nung malaman kong halos kalahati ng populasyon ng Datu Abdul ay mga Bisaya din pala: sa mga purok ng Humayan, Gulayan, Mandarin, Via Vida, at iba pa. Andami talagang Bisaya dito sa Mindanao!

Noon pa man, mas hiyang na talaga ako sa Datu Abdul kaysa sa New Visayas. Bukod sa nasa Datu Abdul ang karamihan, kundi man lahat, ng aming malalapit na kamag-anak, ang aming dating bahay ay malapit lang din sa hanggahan ng dalawang magkatabing barangay. Kaya hindi masyadong mahirap para sa akin ang pumunta’t pumarito. Gamit lamang ang bisikleta ni Manong, madali lang akong nakakapunta’t nakakapaglaro ng syatong sa tapat ng bahay ng aking Umpo Usug, ang ama ni Ina.

Kung ikukumpara ang dalawang barangay ng Panabo, tiyak na mas malaki ang New Visayas. Ngunit para sa akin, maraming nasa Datu Abdul na wala sa New Visayas. Sa Datu Abdul kasi kami pumapasok sa madrasah, nagsasagawa ng aming salah, at doon din ipinadiriwang ang marami sa mga naaalala kong mahahalagang okasyon tulad ng kasal, libing, kanduri, eid at iba pa. Ngunit higit sa lahat, para sa batang ako, higit na mahalagang nasa Datu Abdul ang aking mga kalaro, ang aking mga pinsan.

Kaya mas naging madali sa akin ang pakikibagay nung kami ay naglipat-bahay na, maliban na lang sa mga iilang bagay, tulad na nga ng ingay ng mga paputok na inasahan ko sa pagpatak ng alas dose. Ngunit sa mga sumunod na taon, hindi na din ako gaanong nahirapan. Di-hamak na mas naging komportable din kami sa pagsasagawa ng aming mga espiritwal na tungkulin sa bagong tinitirhan. May masjid sa mismong tapat ng bahay, na kung saan nasa tamang oras na kaming nakakapagsagawa ng aming limang beses na salah.  At hindi na din naiilang si Ina na patugtugin ang CD ng kanyang paboritong mambabasa ng Qur’an na si Sudais dahil alam niyang wala nang kukumpetensiyang “Larawang Kupas,” “Remember Me,” at “Making Love Out of Nothing At All” sa kapitbahay.

Ngunit bakit nga ba kami lumipat? Hindi lamang sa simpleng pag-iwas sa ingay ng kwitis, payb star, at sinturon ni hudas ang dahilan. Hindi dahil sa mga paputok at sigaw ng mga bata’t matatanda tuwing bisperas ng bagong taon. At maging sa nililitsong baboy ng asawa ni Aling Pepay, at ang pagpapa-videoke ni Aling Pepay hanggang hatinggabi. Ngunit ito…

Isang araw, nadatnan ni Ama ang bahay na bukas ang pintuan sa kusina – ang pintuang unang pinapasukan kapag umuuwi kaming lahat mula sa anumang lakad – kahit wari niya’y dapat na walang tao sa loob. Ramdam ko ang kaba sa dibdib ni Ama sa mga panahong ‘yun, kasabay ang umaagaw na positibong akala sa kanyang isipang baka nakauwi na si Ina. Ngunit kahahalik niya lang sa aming bunsong kapatid na kalong-kalong ni Ina sa sala ng bahay ni Umpo Usug, kaya imposible, hindi si Ina ang nasa loob. Ako kaya? O si Bi Yang-Yang? Ngunit nasa madrasah pa kami tuwing alas nwebe y media ng umaga ng Sabado. At alam niyang wala kaming susing pambukas ng pintuan. Sino ang nasa loob? Bakit bukas ang pintuan? Batid kong lalong bumigat ang pakiramdam ni Ama habang siya’y papasok ng bahay. Isang tao na lang ang naiisip niyang pwedeng tawagin habang papasok ng bahay, nang sa gayo’y kahit papaano’y gumaang ng kaunti ang kanyang nararamdaman.

“Jaime?”

Naalala kong minsa’y pinagkakatiwalaan ng susi ng bahay si Manong. Ngunit ‘yun ay kapag lamang nagbabakasyon kami kina Babo Alphia sa New Pandan at doon natutulog. Napapag-utusan si Manong na buksan ang ilaw sa gabi at papatayin naman kapag umaga na. Baka ‘yun na din ang sumagi sa isip ni Ama kaya niya inakala (o hinangad) na si Manong ang nasa loob. Ngunit ‘di kami nagbakasyon, kaya imposibleng naiwan kay Manong ang susi. Nang tuluyan nang mabuksan ni Ama ang pintuan, bumungad sa kanya ang sobrang kalat na loob ng bahay na parang dinaanan ng bagyo – ang mga upua’y wala sa kani-kanilang mga ayos, ang aming mga damit ay umabot pang sala mula sa aming silid, ang mga pinggan at baso’y nangabasag. Paglingon niya sa itaas ay tumambad sa kanya ang s(in)irang kisame. Agad niyang napagtantong walang tao sa bahay. Mas lalong wala si Manong sa loob dahil palagian siyang umaalis tuwing umaga ng mga araw na walang trabaho at bumibisita sa kanyang mga kamag-anak na nasa Panabo din. Sa mga panahong iyon, alam na ni Ama ang mensaheng gustong ipahiwatig ng napakagulong loob ng bahay at sirang kisame. Ang kailangan niya na lang ay kumpirmahin ito. Kaya pumasok siya sa kanilang kwarto’t nakita ngang wala na ang ipon na pera’t mga alahas ni ina. Hindi ko na alam ang mga sumunod na ginawa at naramdaman ni Ama.

Basta, tiyak akong nung umabot kay Ina ang balita, agad siyang napahagulgol at napatanong ng marami kay Ama, mga tanong na hindi kayang masagot ng naguguluhan pang isip. Hindi ko alam kung swerte o malas ba akong nadatnan pa namin ni Bi Yang-Yang ang napakakalat na bahay.  Nakakapanindig-balahibo. Sana siguro’y hindi muna ako umuwi. Naglaro na lang muna sana ako sa madrasah ng matagal-tagal. Naligpit na sana muna nila Ina ang mga kalat bago ako dumating. Noon, si Ina ang nagagalit kapag umuuwi siyang makalat ang bahay. Ngunit nung mga sandaling ‘yun, nasapian ako ng espiritong madalas na sumasapi kay Ina. Sadyang ayokong makita ang ginawa ng mga magnanakaw. Ni ayaw kong humawak sa mga damit kong nakakalat sa sahig at baka hinawakan yun ng mga magnanakaw. Ngunit wala akong magawa. Kailangan daw naming magligpit, dahil bukas na bukas ay maninirahan daw muna kami ng panandalian sa New Pandan. Nung umaga ng sumunod na araw, nabalitaan kong hindi nakatulog si Bi at Ina. Alam kong si Ama din, pero ayaw niyang malaman namin ito.

Lumipas ang mga buwan at Alhamdulillah, may nahanap din si Ama na nagka-interes na bilhin ang aming sasakyang may kalumaan na din. Ang perang nakuha mula sa naibentang sasakyan ay ginamit panapos ng matagal-tagal na ding pinapatayong bahay na siya ngayo’y tinitirhan namin dito sa Datu Abdul. Kahit na kami’y nakalipat na, hinahabol pa rin kami ng mga mungkahi mula sa mga kamag-anak na diumano’y maghiganti sa mga nanloob sa amin. May kilalang pamilya ng mga magnanakaw at tulisan sa New Visayas. Malaking hinala ng mga taong nakapalibot na sila ang nanloob sa amin, lalo pa’t nasa unahan lamang ng aming lumang bahay ang mga ‘yun nakatira. Ipinagkibit-balikat ni Ama ang mga mungkahi ng mga kamag-anak. Ramdam ko ang galit na naramdaman ni Ama ngunit sadyang ayaw niyang bahiran ng dugo ang kanyang mga kamay. Kilala ko si Ama bilang isang mujahid. Alam kong naniniwala siya sa katarungan, ngunit higit na katarungang mula kay Allah.

Simula nun, naiwan na kay Manong ang susi at hindi na muling naibalik pa sa amin. Iniwan namin ang bahay sa New Visayas bagama’t madalas pa rin naming itong madaanan. Bago ako ikasal, ipinangako ko sa aking mapapangasawa na magbubukod kami ng bahay, at hindi makikitira kina Ama at Ina – isang bagay na karaniwang pinapangarap ng mga magpapakasal pa lamang, at isang bagay na hindi ko pa nagagawa. Ang bahay sa New Visayas ang bukambibig kong pakiusap kay Ama na ipagamit sa amin sa tuwing naiisipan ko nang magbukod. Ngunit sa tuwing pinapaalalahanan niya ako ng aming naging karanasan sa bahay na ‘yun, agad akong nauubusan ng salita. Sa halip daw na tumira kami sa New Visayas, magsama-sama pa rin daw kami bilang isang malaking pamilya. Kaya inilaan ni Ama ang loteng katabi ng kanyang bahay upang pagtayuan ko ng aking magiging sariling tahanan, “Makakapagbukod din kayo, anak, in shaa Allah. Mag-ipun-ipon ka na lang muna.”

Magbabagong-taon na naman at kinuntsaba na ako ni Manong na pumunta kasama ang pamilya ko sa umaga ng January 1. “In shaa Allah,” sagot ko sa kanya. Alam na niya ang ibig sabihin nun. Baka kasi sa byenan ko kami magbabakasyon, paliwanag ko sa kanya. Kung matuloy man ‘yun, tiyak na siya naman ang maninibago. Pero may katandaan na din si Manong. Alam kong nasa tahanan siya sa kanyang bagong bahay, sa aming lumang bahay, bagama’t nag-iisa siya. Marahil nga’y hindi para sa amin ang New Visayas, gaya na din ng ibig ipahiwatig ng pangalan nito. Ang mahalaga’y nandiyan si Manong at ang lumang bahay na mananatili naming buhay na alaala, gaano man kaganda o kasama ito, na pahahalagahan sa paglipas ng marami pang bagong taon.

2. Atty. Mike

Ala-una bente na. Hindi ako masyadong mainipin na klase ng tao, lalo na kung may hawak akong libro. Ngunit sa mga sandaling ‘yun, pakiramdam ko sa dalawampung minuto pa lang naming paghihintay ni Ama kay Atty. Mike, dalawang oras na kaming nakaupo sa cafeteria ng Sunny Point. Ba’t ko pa kasi iniwan ang binabasa ko noong “Kris of Justice” ni Abdel Tillah sa opisina? At ubos na din ang kape ko na sana’y nagpagaan sa aking pagkabagot. Kaya ibinaling ko na lang ang atensyon ko sa dalawang batang tila kanina pa nag-aaway dahil sa iisang laruang sasakyan na nagiging robot kung binabali-bali ang mga gulong at iba pang bahagi nito. Batid kong medyo naiingayan na sa mga ito ang mga tao sa paligid. Dagdag pa sa pagka-inis marahil ng mga tao ang kanina pang tutok sa kanyang cellphone na ina ng mga bata, at wala masyadong pakialam sa distorbong dulot ng pagtatalo ng mga anak. Napahikab ako ulit sa pagkabagot.

Gayunpaman, masigla ko pa ring sinabihan si Ama tungkol sa magandang maidudulot ng pakikipagkita’t pakikipag-usap namin kay Atty. Mike. “Malagmit sunod-allaw mabarik da yan sa Manila,” maswerte kami ni Ama, sabi ko, dahil bukas-makalawa, babalik na si Atty. Mike sa kanyang opisina sa Maynila. Ito ang sabi niya sa akin nung nagpa-iskedyul ako sa kanya ng appointment. Walang salitang iginanti si Ama ngunit batid ko ang pagsang-ayon niya at pagkasabik na makausap si Atty. Mike. Sa pagkakataong ‘yun, naisipan ko na lang na basahin at kabisahin ulit ang mga probisyon na may kinalaman sa Ancestral Domain na nakasaad sa IPRA. Baka may mga terminolohiyang bibitawan mamaya si Atty. Mike na hindi ko nakabisa. Mahirap na. Abogado pa naman ang makakausap namin.

Abogadong Muslim. Abogadong Kagan. Una ko pang makakadaupang-palad si Atty. Mike, ngunit hanga na ako sa kanya bilang isang abogadong Muslim at Kagan o bilang isang abogadong Moro. Bibihira lang kasi ang mga ganyan sa tribo. Nakamamanghang namamangha ako sa mga propesyonal na miyembro ng tribo. At hindi lang ako. Talagang karaniwan sa mga Kagan ang mabilib sa sariling katribong may natamong propesyon – na kesyo may “bagong abogadong Kagan,” “bagong enhinyerong Kagan,” o “bagong doktor na Kagan.” Na parang hindi lamang karangalan ng pamilya o komunidad, kundi karangalan ng buong tribo.

Minsan ko ding pinangarap maging abogado, lalo na nung ako’y nagsimulang mababad sa usapin ng Ancestral Domain ng Kagan. Naisip kong kung magkakaroon pa ng dagdag na abogado ang Kagan kagaya ni Atty. Mike, mapapadali ang pagkamit ng buong tribo ng inaasam-asam na Certificate of Ancestral Domain Title o CADT. Atsaka ano kaya ang pakiramdam ng mapabilang sa mga nagbibigay karangalan sa tribo?

Ngunit naisip ko din ang haba ng taon at pagod na kailangang gugulin sa pag-aaral, kaya naging tutok na lang ako sa pagiging kanang kamay ni Ama na isang IPMR o Indigenous Peoples Mandatory Representative ng Panabo. IPMR, sa unang beses kong pag-usisa ng batas na IPRA o Indigenous Peoples’ Rights Act na kung saan nakapaloob ang konsepto ng Mandatory Representation ng Indigenous Peoples sa anumang antas ng lokal na pamahalaan – barangay, lungsod, at lalawigan – namangha agad ako. Nabibigyan kasi ng pribelehiyo ang tulad naming nasa sektor ng IP, at nagiging otomatikong konsehal ng lugar. Parehas ang kapangyarihan at obligasyon ng isang IPMR sa mga kahanay nitong regular na konsehal o yaong mga nagpapaboto sa masa ng isang partikular na lugar. Ngunit hindi naging madali ang sinuong na landas ni Ama bago naging IPMR. May mahigit tatlumpung tribong naninirahan sa Panabo at kada-tatlong taon ay nag-uunahan ang mga ito sa iisang posisyon.

Napansin kong medyo natahimik na ang mga batang nag-aagawan kanina ng laruan. Pinaubaya na muna ng mas matabang bata ang laruan sa kanyang kapatid nang siguro’y naaliw ito sa tsinitsibog na fried chicken. Limang minuto pa ang dumaan at pakiwari ko’y si Atty. Mike na ang lalakeng papalapit sa aming mesa. Hindi ako nagkamali.

“Assalamo alaykom,” iniabot niya ang kanyang kanang kamay una kay Ama at pagkatapos ay sa akin.

Malaking ngiti ni Ama ang sumalubong sa kanya, “Wa alaykomussalam.”

Gaya ng aking inasahan, panimulang laman ng usapin ang kanyang itinagal sa pagdating. Binalewala ko ito dahil mas nasasabik akong pag-usapan ang layunin ng aming pagkikita. Natuwa ako’t hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Ama’t diretso niyang sinabi ang kanyang hangarin para sa tribong Kagan ng Panabo na magkaroon ng CADT, isang pirasong papel na tila kayamanan para sa mga iba’t-ibang tribong lumad sa bansa. Bilang si Atty. Mike ay nasa mas mataas na antas ng mga nangangasiwa ng aplikasyon ng Ancestral Domain, naisipan namin ni Ama na humingi ng mga payo mula sa kanya.

Ang Kagan ay syento porsyentong katutubong tribo ng rehiyong Dabaw, katulad ng Mandaya, Mansaka, at Bagobo. Wala akong ibang alam na pinagmulan ng aming mga ninuno sa anumang dako ng bansa maliban sa mga lugar na sakop ng Davao Gulf. Nakakatuwang may naririnig akong nagsasabing walang Ancestral Domain ang Kagan. Sa isip ko naman, baka nga tama na sabihing walang Ancestral Domain ang Kagan, lalo na kung pagbabatayan ang batas na binuo ng mga nasa kapangyarihan, ngunit may pinanggalingan kami, may katutubong lupa kami. Alangan namang hinulog na lang mula sa langit ang mga kina-ompowan namin at napadpad na lang sa Dabaw.

“Ancestral Domain[s]… refer to all areas generally belonging to Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) comprising lands, inland waters, coastal areas, and natural resources therein, held under a claim of ownership, occupied or possessed by ICCs/IPs, themselves or through their ancestors, communally or individually since time immemorial, continuously to the present… It shall include ancestral land, forests, pasture, residential, agricultural, and other lands individually owned whether alienable and disposable or otherwise, hunting grounds, burial grounds, worship areas, bodies of water, mineral and other natural resources, and lands, which may no longer be exclusively occupied by ICCs/IPs but from which they traditionally had access to for their subsistence and traditional activities, particularly the home ranges of ICCs/IPs who are still nomadic and/or shifting cultivators” [R.A. 8371/Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997]

Kung iisiping mabuti, wala naman talaga sanang kwestyon dun. Hindi naman na sana kailangang patunayan sa iba na ang mga tribong Kagan, Mandaya, Mansaka, Bagobo, at iba pang Mindanawong tribo ay may mga katutubong lupa dito sa Mindanao.

Awn may IPRA na dayt pangagadan, mandiyadi mapangagad kita,” tila akma ang sagot ni Atty. Mike sa mga opinyong nabubuo sa isipan ko. Naiintindihan kong malaki ang respeto ni Atty. Mike sa IPRA’t gusto niya talagang sumunod kami dito. Batas ‎’yan eh. Pero pa’no ba naman kasi, ang Dabaw na tahanan at katutubong pinagmulan ng aming mga tribo ay tila hindi na kami kilala. Naging mga estranghero kami sa aming lupang tinubuan. Para na lang kaming isiningit pamuno sa lugar na dominante na ng mga Bisaya, Ilonggo, at Ilokano. Kaya heto, kailangan naming magpakilala muli. Kailangang patunayan na kami ay hindi lamang tagarito, kundi talagang mga naunang tao sa lugar na ito. Isang pirasong papel lamang ang kailangan. Ngunit ang pagkamit nito’y isang malaking sakripisyo.

Malinaw kung magsalita si Atty. Mike. Mahahalatang sanay siya sa pormalang diskusyon, bagama’t ang upo niya’y napakakalmado. “Magaga pa lagi yan magawbuk, pamakuti gayd mayo,” ito ang tumatak sa aking payo ni Atty. Mike. Paulit-ulit niya itong sinasabi sa tuwing nahihinto ang usapan, at tila wala nang ibang salitang maidudugtong, kundi “Magaga pa lagi yan” sabay ngiti at tango. Bagama’t may pagganyak sa kanyang pahiwatig na tila hindi pa umano huli ang lahat at maari pang makamit ang nais ni Ama sa tribong Kagan ng Panabo, alam kong huli pa rin ang bahagi ng sinasabi niyang lahat. Ang mga mangkatikadung na sana’y maglalahad ng buong kasaysayan ng aming tribo’y unti-unti nang bumabalik kay Allah, ngunit hindi pa huli ang lahat. Ang kabataang Kagan ay wala nang alam sa kanilang sariling tribo, at dahan-dahan na silang nilalamon ng mga makabagong kultura, ngunit hindi pa huli ang lahat. Ang mga lupa’y titulado na sa mga malalaking negosyante at pribadong indibidwal sa Panabo, ngunit hindi pa din huli ang lahat.

Nagdaan ang mga panahon, at hindi na lamang si Ama ang nag-iisa sa layuning magkaroon ng Ancestral Domain ang tribong Kagan. Nagkaisa ang mga Datu at iba pang mga namumuno at aktibong indibidwal ng Kagan mula sa Datu Abdul, Cagangohan, Madaum sa Tagum, at Carmen upang bumuo ng isang mas aktibong grupo na tutupad sa kaparehas na layunin ni Ama sa mas malawak na saklaw – ang lalawigan ng Davao del Norte. Syempre, kasama kami sa grupong ito. Sa totoo lang, hindi ko alam ang kahihinatnan ng layuning ito. Maari kasing mapagtagumpayan ito, ngunit lalakarin pa ng hindi bababa sa tatlo hanggang limang taong pagsisikap, pagpapagod, at pagpopondo para lang makamit ang isang pirasong papel.

Sa ibang mga lugar ng Dabaw, nagkakaroon ng gusot sa pagitan ng magkaibang tribo, dahil na din sa usaping Ancestral Domain, posisyon ng IPMR, at iba pang oportunidad na ibinibigay ng batas o programa ng pamahalaan. Sa Panabo nga, ang pinakaunang IPMR na isang Dibabawon ay pinaslang sa kadahilanang hindi umano ito karapat-dapat sa posisiyon dahil hindi naman daw talaga ito nagmula sa Panabo. Sa kasaysayan, mapayapang namumuhay ang iba’t-ibang tribo sa bansa habang binubuklod ang mga ito ng respeto sa bawat lupang nasasakupan at kanya-kanyang pamamahala ng mga mamumuno sa kanya-kanyang saklaw. Malinaw na kabaliktaran ang nangyayari sa mga tribo sa kasalukuyan.

Alas kwatro y media na nang matapos ang miting na ipinatawag ng grupo ng mga Datu upang muling pag-usapan ang mga susunod na plano. Pauwi na kami ng mga sandaling ‘yun. Sa loob ng sasakyan, hawak-hawak ko ang malapit ko nang matapos na librong akda ni Abdel Tillah. Akmang magbabasa na sana ako ng naalala kong kailangan kong paalalahanan si Ama tungkol sa aming lakad bukas. “Masum kay kita kisum manaw ma, in shaa Allah.” Bilang kanyang Private Secretary at anak, maya’t maya’y kailangan ko siyang paalalahanan sa lahat ng kanyang mga lakad, may kaugnayan man ito sa trabaho o pampamilyang lakad lamang, tulad na lang ng naka-iskedyul na bakasyon namin ng aking asawa’t anak bukas sa Sirawan. Hinahatid niya kami palagi sa tuwing pupunta kami sa lugar ng biyenan ko. Ngunit sa totoo lang, inaalala lang niya ang kanyang apo kaya siya ang nagkukusang maghatid sa amin.

Ngunit mukhang ayaw pa niyang pag-usapan ang tungkol sa aming lakad bukas. Bagkus iba ang sagot niya. “Mawgun aw dakwa na gawbuk. Yani da yang jihad ta adi adon na mga Kagan.” Sa pagsabi niya ng katagang ito, isa lang aking nahinuha – na baka naaalala ni Ama ang panahong nakikibaka siya bilang mujahid; na bagama’t hindi kailanman maihahalintulad ang masasaklap na karanasan ng mga Moro – tulad ng Jabidah Massacre ng administrasyong Marcos, Manili Massacre ng Ilaga, All-Out War ni Erap, Mamasapano Massacre ni PNoy, at iba pa – tinatanaw pa rin ni Ama ang kasalukuyang pagpupunyagi sa pagkuha ng CADT bilang isang anyo ng jihad, ang jihad ng mga Morong nasa labas ng teritoryo ng Bangsamoro. Hindi ako umimik ngunit malaki ang aking pagsang-ayon sa kanyang pahayag.

Nasa bandang New Visayas na kami. Nakatirik ang sinag ng papalubog na araw sa aming direksyon. Napalingon ako kay Ama. Diretsong-diretso lang ang kanyang tingin habang nagmamaneho at tila di alintana ang nakabubulag na araw. Tiningnan ko ang daan na aming tinatahak. Napakatuwid nito. Bakit kaya ang napaka-abalang daan ng New Visayas ay kapagdaka’y naging tahimik? Sa pagkakataong ‘yun, bigla ko na lang naramdaman ang pagod. Yumuko ako’t tiningnan ang aklat sa aking kamay. Bagama’t gusto ko nang tapusin ang mga naiwang pahina ng Kris of Justice, umaagaw ng espasyo sa aking isipan ang tahanan na kung saan kami papunta.

3. Ina Buyag Safiyah

Maaga pa lang at umaalingawngaw na sa bahay ni Ina Buyag Safiya ang boses ni Babo Bae, ang aking byenan na babae, na mula pa sa bahay nila sa Bagsak. Bitbit niya ay isang supot ng pandesal at isang masiglang ngiti dahil sabik itong muling makita si Baby Areej, ang aking unica hija na sa mga sandaling yun ay mahimbing pang natutulog. “Linek ka ina,” agad na sinalubong ng aking asawang si Reham ang kanyang ina sa bungad pa lang ng aming tinutulugang silid at nakikiusap na ‘wag muna itong maingay dahil ayaw pa niyang magising ang bata. Kinumusta ni Babo Bae ang unang beses naming pagtulog sa bahay ni Ina Buyag. “Mapya bon, Alhamdulillah,” inilarawan ni Reham ang himbing ng tulog namin kagabi. Hindi ako sigurado kung nakatulog din ba ng maayos si Ina Buyag. Maaga siyang nagising. Nadatnan ko nang nakaligpit ang kanyang higaang nakalapag sa sala nung ako’y lumabas ng silid upang mag-salah ng Fajr o ang dasal sa madaling araw.

Habang nag-uusap sina Babo Bae at Reham, si Ina Buyag naman ay nasa labas at dinidiligan ang kanyang mga alagang bulaklak. Gumagaan talaga ang aking pakiramdam sa tuwing nagbabakasyon kami sa Sirawan. Nilalayo kasi nito ako sa presyur sa trabaho at iba pang responsibilidad sa Panabo. Bagama’t minsan lang ito kung mangyari, isang beses sa loob ng dalawang buwan, pero ayos at sulit din naman. Ang saya kasi ng pamilya nila, lalo pa’t nandiyan ang anak kong kinalilibangan nila ng husto. “Pakana da yang upud mo,” utos ni Babo kay Reham na pakainin na daw ako ng almusal.

Si Reham at Babo Bae ay may halong Magindanaw at Kagan. Si Ina Buyag ang Magindanawon habang ang namatay nitong asawa naman, ang lolo ni Reham, ay Dabawnon o Kagan. Kapag nag-uusap silang tatlo, si Reham, Babo, at Ina Buyag, wikang Magindanawon ang kanilang ginagamit. At mas nakatuon ako kay Reham dahil bukod sa mas madali kong naiintindihan ang kanyang pagsasalita, paminsan-minsa’y sinasalin niya ito sa Kagan upang makasabay pa rin ako sa usapan. Ngunit kapag si Babo o si Ina Buyag naman ang nagsasalita, di na ako sumusubok na intindihin pa ito. Di tulad ni Reham, mas madiin at mas mabilis magsalita si Babo at Ina Buyag. May kaunting kaibahan ang pagsasalita ni Reham sa kanyang ina at lola dahil sa Dabaw na rin ito lumaki. Simula nang mamatay ang lolo ni Reham, nilisan na umano ng buo nilang pamilya ang Buwal, isang barangay sa Kabacan, North Cotabato, na kung saan naroroon ang angkan nina Ina Buyag na purong Magindanaw.

Sa kanilang lahat, si Ina Buyag lamang ang kailanma’y di nakikipag-usap sa akin sa Kagan o kahit sa wikang Tagalog man lang na karaniwang ginagamit ng mga Magindanawon sa pakikipag-uusap sa mga di nila ka-tribo. Malamang dahil na din sa di niya masyadong kabisado ang paggamit ng mga wikang ito. Kapag may sinasabi siya sa akin at hindi ko ito maintindihan, nginingitian ko na lamang siya o di kaya’y tinatawag si Reham upang magpatulong sa pagsasalin. Ngunit mas madalas na humahanap ako ng paraan upang di siya makausap at nang sa gayo’y di na ako mahirapang umintindi at di na rin siya mahirapang magpa-intindi.

Alas syete kwarenta y singko na nang magising ang bata. Yun na din ang hudyat para kay Ina Buyag na pumasok sa bahay at magpahinga. Ngunit ang pagpapahinga niya’y hindi paghiga sa kama, kundi ang pag-aaliw sa bata. Kinakarga pa niya si Areej at nilalaro kahit lagpas sisenta anyos na ito. Talagang malakas pa si Ina Buyag kung titingnan. Hindi ko alam kung anong sikreto niya.

Gawa ng malikot kong isipan, napatanong ako kay Reham kung anong sikreto ni Ina Buyag at tila di siya nauubusan ng enerhiya sa katawan. Madaling araw pa lang ay gising na siya at kung anu-ano ang ginawa sa kusina’t sa labas ng bahay, ngunit heto pa rin siya’t may lakas pang makipaglaro kay Areej kasama si Babo Bae. Mahihigitan niya pa yata sa pagiging aktibo si Babo Bae na minsan nang nagsumbong sa akin tungkol sa pananakit ng kanyang katawan. Natawa si Reham at tinanong si Ina Buyag sa salitang Magindanaw.

Sumagot ito, at syempre hindi ko naintindihan. May sinabi ulit si Reham, na muling sinagot naman ni Ina Buyag. Kinalaunan ay sumali na din sa usapan si Babo Bae. Muli, wala akong naintindihan. Napansin kong medyo tumataas na ang boses ni Ina Buyag. Doon ko siya unang napansing magsalita na tila may mariing pinapahiwatig. Ang mga kumpas ng kanyang kamay ay kasimbigat ng diin niya sa kanyang mga kataga. Nahiwagaan ako. Pero medyo wala pa sa gana ang isip kong intindihin ang kanilang talakayan. Mukhang napakalalim ng kanilang paksa at di na naisip ni Reham na isalin sa Kagan ang kanilang usapan. Nagtanong lang naman ako kung anong sikreto ni Ina Buyag sa pagiging aktibo. Bakit kaya humaba ang kanilang usapan? Nakapag-desisyon akong pumasok na lang sa silid at ipagpatuloy ang kakasimula ko pa lang basahin na Colon ni Rogelio Braga.

“Ang alam ko wala akong nakaraan, pero hindi ako sigurado roon.” – pitong beses ko pang inulit-ulit ang pangungusap na ito sa aklat, bago ko nakuha ang ibig sabihin. Dun ko napagtantong kailangan ko lang ipikit ang mga mata ko’t istimahin ang aking antok. Ganito ako sa Sirawan. Dahil wala masyadong kinaaabalahan, nakakatulog ako kahit hindi pa akmang oras ng pagtulog.

In 1936, President Quezon, head of the newly established US controlled Philippine Commonwealth, approved Commonwealth Act Number 141. In Section 84 of this Act, all Moro ancestral lands were declared public lands. Because of this Commonwealth Act, the ancestral lands of the Moros and the Lumads were taken away from them. According to this law, a Moro can only own up to 24 hectares and Filipino corporations can own up to 1,024 hectares. Moro writers call this ‘legalized land grabbing.’ Land registration, declaration of public land, mining, cadastral surveys, creation of agricultural colonies, procedures for land ownership, land settlements all these legal realities, often without the proper understanding  of the Moro people, drastically reduced the areas of ancestral domain and benefited the Christian population (coming from Luzon and Visayas). [Tillah, Abdel. Kris of Justice: The Story of the Greatest Race of Warriors the Modern World Never Knew. Pp. 96-97]

Nagising akong naririnig pa ang boses ni Ina Buyag. Ilang minuto lang ba akong naidlip at mukhang di pa yata tapos ang pag-uusap nilang tatlo? Tiningnan ko ang orasan at nagulat ako na lagpas isang oras na din pala akong tulog. Ibig sabihin, mahigit isang oras na din silang nag-uusap tungkol sa naka-iintrigang enerhiya ni Ina Buyag. Lumabas ako ng silid. Walang pinagbago, maliban na lang sa ngayo’y natutulog nang si Areej na kalong-kalong ng kanyang ina. Nilapitan ko na si Reham, at nakisingit na sa usapan. Tinanong ko kung anong pinag-uusapan nila.

“Ilaga,” sagot ni Reham. Halatang mas gusto niyang makinig kay Ina Buyag kaysa kausapin ako.

“Ilaga?”

Tumango lang si Reham. Maya-maya’y sinabihan niya akong iki-kwento daw niya ang buong usapan nila tungkol sa Ilaga, ‘wag ko na lang daw muna siya distorbohin at malapit nang matapos ang kwento ni Ina Buyag. Wala na akong sinagot. Napaisip ako tungkol sa salitang Ilaga. Minsan nang nabanggit ni Ama sa akin ang tungkol dito. Ngunit kakarampot lamang ang detalye na kanyang ibinigay. Naniniwala akong hindi ang hayop na daga ang ibig sabihin ni Reham sa Ilaga na pinag-uusapan nilang mag-lola. Kundi ang Ilaga na nakwento ni Ama noon na umano’y grupo ng mga taong pumaslang ng maraming Moro sa panahon ng Martial Law. Hindi kaya may karanasan si Ina Buyag sa pagmamalupit ng mga Ilaga? Hindi malayong mangyari, kasi ang North Cotabato, ayon kay Ama, ang isa sa mga lugar na kung saan napabalitang mayroong mga insidente ng pamamaslang ng mga ito sa mga Moro.

Ang mga Ilaga ay mga Ilonggong taga-Mindanao. Napakamot ako sa ulo nung sinabi ni Ama ito. Pa’no ba nagka-ganon? Eh ang Ilonggo naman ay mga taga-Iloilo. At ang Iloilo ay nasa Visayas at wala sa Mindanao. Pinangakuan ang mga ito ng gobyerno ng malalawak na lupain sa Mindanao na maari nilang maangkin ng libre. Pa’no naman kaya dumami ang mga Bisaya dito? Ganun lang daw din. Kaya lang, ang mga Ilonggo ang may kakayahan at malakas na pagnanais na labanan ang mga mujahideen gamit ang dahas. Ngunit may mali sa pahayag na ito. Kasi hindi naman mga mujahideen ang marami sa kanilang punterya, kundi mga Morong sibilyan.

Ano ba kasi talaga ang sikreto sa pagiging aktibo ni Ina Buyag? At pa’no ba ito naging konektado sa Ilaga? Tila inasahan na ni Reham na itatanong ko ang mga ito na may pagkainip. Napabuntong-hininga siya. Napakunot ako ng noo. Kalmado siyang naglahad ng kwento ni Ina Buyag, habang nasa kalong pa rin niya si Areej.

Nakasanayan na ni Ina Buyag ang paggising ng maaga. Hindi lang maaga, talagang maagang-maaga. Gising na siya bago pa man mag-azan sa masjid. Halos araw-araw yan. Anong ginagawa niya? Wala lang. Nasanay lang talaga siya. Mula pa nung pagkabata niya, sinanay na siya na maging alerto, at hindi magpasukob sa sarap ng tulog. Yan ang dahilan kung bakit naligpit na ang kanyang higaan pagkagising mo kanina para mag-salah ng Fajr. Sinanay siyang maging alerto kasi maraming nagmamanman sa paligid. Baka isang araw, bigla na lang daw silang pumasok sa pinto’t pagpapatayin silang lahat. Sino ang mga tao sa paligid? Ang mga Ilaga.

Hindi naman daw talaga sa Buwal ang unang komunidad nina Ina Buyag, kundi sa Lampayan, isang barangay sa Matalam sa North Cotabato. At hindi lang basta-bastang may bahay sila doon. May malawak silang lupain.  Tinanong ko nga siya kung anong nangyari. Ayun, kinuha ng mga Ilonggo. Natakot sila. Pa’nong di sila matatakot, eh kilala na ang Ilaga sa pamamaslang ng marahas sa Morong sibilyan. Pinagpupupugot ang ulo ng mga biktima. Pinagtatatapyas ang tenga’t utong. At nilalagyan ng krus ang mga napatay na mga Moro, bilang tanda ng kanilang ipinaglalabang Kristyanismo.

Buti na lang may nakapagsabi na agad sa kanila na lisanin na ang Lampayan. Oo nga, sayang ang malaking lupain nila dun. Pero anong magagawa nila. Buhay naman kasi daw nila ang makokompromiso kung di pa sila aalis. Hindi mag-aatubili ang mga Ilaga sa pagpaslang sa kanila.

Akala ko hanggang dun lang ang kwento ni Ina Buyag. May mas matindi pa pala siyang kwentong nasagap niya lang din sa isa sa mga kamag-anak namin. Isang araw, pinagdadampot ng mga Ilaga ang mga buntis sa isang komunidad. Pinalinya. Ginapos hanggang di makagalaw. Gamit ang itak, binubuksan ng mga ito ang tiyan ng ina’t kinukuha ang sanggol. Hindi ko na alam kung anong ginagawa sa kanila. Talagang nakakatakot. Tinanong ko kung may panggagahasa bang nangyayari. Walang kaabog-abog na sinagot ni Ina buyag. Oo naman daw. Takot na takot sila. Takot na takot ang mga Moro sa panahong yun.

May kakilala din daw si Ina Buyag na kapitbahay nila sa Buwal na biktima’t nakaligtas sa pagmamalupit ng mga Ilaga. Nakaligtas ngunit sa napakahirap at napakasakit na paraan. Iisa na lang ang braso ng taong ito. Ayon sa kwento ng matandang yun, nung pinutulan siya ng braso ng mga Ilaga, kailangan niyang tiisin ang sakit at magkunwaring patay. Kung natunugan ng mga Ilaga na buhay pa siya nung mga sandaling yun, tiyak na hindi na siya makakausap ni Ina Buyag dahil nakalibing na siya sa lupa.

Nung pumutok ang balitang ang mga Moro sa Buwal naman daw ang lulusubin ng mga Ilaga, walang pag-aatubiling nagdesisyon ang ama ni Ina Buyag na lisanin ang lugar, at panandaliang manirahan sa labas ng North Cotabato, sa Dabaw. Nagulat din ako sa nalaman ko mula kay Ina Buyag, nasubukan na niya palang manirahan sa Dabaw bago pa man sila nagkatuluyan ng aking lolo. Sabi niya, kahit nandito na sila sa Dabaw ng mga panahong iyon, di na daw nawala sa kanya ang pangamba. Kaya naman alertong-alerto ito’t nagigising tuwing madaling araw.

Kung pa’no sila nakabalik sa Buwal? Umabot na lang sa kanila ang balitang humupa na daw ang pananalakay ng mga Ilaga sa mga lugar ng Moro. Pero may bali-balitang sinadyang patigilin ni Marcos ang mga Ilaga kasi natunugan niyang umalma na pati si Gaddafi, yung dating prime minister ng Libya. Natakot siguro. Akalain mo, palangga, kontrolado pala ni Marcos ang mga Ilaga. Gaano kaya katotoo ito?

Natapos ang paglalahad ni Reham ng kwento ni Ina Buyag. Nung tinanong ko sa kanya kung tungkol ba lahat sa Ilaga ang pinag-usapan nila, sinabi niyang mas natagalan daw sila sa bahagi ng kwento ni Ina Buyag kung saan inilahad niya kung paano nagkrus ang mga landas nila ng kanyang asawa, ang lolo ni Reham. Natawa si Reham, malamang dahil sa kilig. Hindi ko magawang tumawa o ngumiti man lang dahil mas tumatak sa akin ang mga kwento ni Ina Buyag tungkol sa Ilaga. Yun pala ang sikreto ni Ina Buyag.

Bakit ganun? Bakit kailangang makaranas ng hirap ang mga Morong kagaya namin, kagaya ni Ina Buyag? Gusto ko siyang matulog ng maayos, na walang pangamba at pag-aalala, na hindi na kailangang magising ng madaling araw dahil sa takot na baka may mga taong nagmamanman sa labas. Bakit kailangan naming mga Kagan patunayang Ancestral Domain namin ang Dabaw? Bakit kailangan pa namin ang isang pirasong papel? Bakit sinabi ‘yun ni Atty. Mike? Na kesyo hindi pa huli ang lahat? Bakit? Andami kong tanong. Mga tanong na alam kong hindi naman kailangan ng sagot.

Tila may dahilan nga kung bakit Lupang Pangako ang bansag sa Mindanao. Sa simula, akala ko magandang katangian ito ng aking pulo. Pero hindi naman pala dapat ipinagmamalaki ang pagiging Lupang Pangako nito. Dahil Lupang Pangako lang pala ito para sa mga Bisaya, Ilonggo’t maging ng mga Ilokanong minsan lang din naakit ng mga magagandang salita. Ito ang bahagi ng “lahat” na nahuli na. Huli na para bawiin pa ang bansag na ito sa Mindanao. Kahit pa mawala sa isipan ng mga tao na ang Mindanao ay isang Lupang Pangako, mananatili ang katotohanang sumisikip na ang mundo para sa mga Moro’t Lumad. Ngunit muli, “Hindi pa huli ang lahat.”

Masaya na ako kung lahat ng mga taga-Visayas ay tulad ni Manong Jaime. Na bagama’t nariyan lang sila’t nakaapak sa Lupang Pangako, kilala nila ang kanilang mga sarili’t alam nila ang tunay nilang pinanggalingan. At ang bukas nilang isipan ay sasalamin sa kung papaano nila kaming mga tunay na taga-Mindanao tratuhin at pakisamahan.

Kinaumagahan ng alas syete, maririnig sa kapitbahay ang mga nagsasagutang manok na ibig gisingin ang mga tulog pang kaluluwa. Gising na gising na ang diwa ni Ina Buyag. Ako nama’y nakaupo sa nag-iisang silyang malapit sa pinto ng sala ng kanyang bahay. Aktong lalabas na siya upang diligan ang mga bulaklak, inagaw ko ang atensyon niya. “Ina Buyag, mauri da kay kami mallaw ng liwas tingkan,” alam kong maiintindihan niyang nagpapaalam lang ako na uuwi na kaming muli sa Panabo pagkatapos ng almusal. Sinagot niya ako. Gaya ng dati, di ko naintindihan ang kanyang mga salita.

“Sabi ko, ingat… Ingat kayo.”

“Aaaah,” sa wakas, naintindihan ko rin siya. Malinaw na malinaw. Unang beses ko yatang makaintindi ng salitang mula sa kanyang bibig.

Napangiti kaming dalawa at marahil ay napangiti din ang umagang araw na ang mga sinag ay kalmadong nakatapat sa maaliwalas niyang mukha.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s